ANG APOCALIPSIS NI CRISTO JESUS
- Ptr. Rafael T. Martinez
- Mar 9
- 20 min read
Updated: Mar 10
TEXT: Rev. 1:1-3
INTRODUCTION: Maraming mga mananampalataya ang iniiwasang pag-aralan ang aklat ng Apocalipsis dahil sa takot na baka sila ay magkamali sa pagpapakahulugan. Maaring ito ang isa sa mga rason kung bakit marami sa ating mga ninuno na kagaya ni John Calvin ang walang isinulat na Commentary sa aklat ng Apocalipsis. Si Martin Luther ay hindi komportable o di kaya ay nainis sa aklat na ito kung kaya’t sa kanyang paunang pananalita sa ginawa niyang salin ng Kasulatan sa Aleman o German ay nagbigay ng mga dahilan para sa kanyang panukala na tanggalin ang aklat na ito sa Kasulatan. Si Karl Barth dahil sa kanyang pagkalito sa aklat na ito ay nagsabing – “kung alam ko lamang ang aking gagawin sa Apocalipsis!” (If only I knew what to do with Revelation!). Maraming Krisitiyano ngayon ang katulad ni Barth at ito marahil ay dahil sa mga magugulong pakahulugan ng mga theologians sa aklat na ito.
Itong aklat na ito ay pinag-aralan na natin ng tatlong taon sa ating Bible Study tuwing Miyerkules. Pero ngayon ko lang gagamitin ito sa pangangaral dito sa ating pulpito at ito ay dahil ako ay nag-alinglangan sa aking kakayanan na ipangaral ang aklat na ito. Mahirap, pero sa tulong ng Diyos ay makakayanan nating pag-aralan ito.
Ang pag-aaral sa aklat na ito ay maihahambing natin sa pagmamaneho ng bagong kotse. Kapag ikaw ay sanay sa lumang kotse at magmamaneho ka ng makabagong kotse, kailangan mong kabisaduhin at unawain ang mga bagong mga aparato at mga gadgets nito upang hindi ka magkakamali at mahirapan sa pagmamaneho. Halimbawa, may mga bagong kotse na hindi mo mapaandar ang makina kung hindi mo tatapakan ang preno habang pinipindot mo ang ignition switch o di kaya ay ang clutch kasabay ng pagpindot mo sa ignition switch.May mga kotse rin na walang button para mabuksan ang takip ng lalagyan ng gasolina na nasa loob ng kotse. Ang takip ay kusang bubukas kapag ito ay itinapat mo sa gasoline dispenser ng estasyon ng gasolinahan. Ganito rin ang pag-aaral sa aklat na ito, kinakailangan nating suriin ito ng maigi at unawain ang kalikasan nito upang sa ating pag-aaral at pagbabasa nito ay maunawaan natin ito.
Ang tema ng ating pangangaral sa umagang ito ay: Ang apocalipsis ay ipinagkaloob para sa paghahayag, na nagreresulta sa pagpapala.
Upang maunawaan natin ang aklat na ito, kinakailangan natin ang matiyagang pagsusuri ng mga sumusunod: (1) sino ang sumulat ng aklat na ito; (2) kailan isinulat ito; (3) ang kalikasan o nature ng aklat na ito; (4) ang apat na pananaw ng pagpapakahulugan; (5) papaano pakakahulugan ang aklat na ito; (6) Ang mensahe ng aklat na ito; at (7) ang pagpapala para sa mga bumabasa, nakikinig at sumusunod.
Ang mga paksang aking binanggit ay ipinapahayag sa mga talata na ating pag-aaralan sa umagang ito.
ANG MAY AKDA
Ang Apocalipsis ay talaan ng mga propesiya sa pamamagitan ng mga pangitain na ibinigay sa isang tao na ang pangalan ay Juan, na noon ay nasa pagka-dalang bihag sa pulo na tinatawag na Patmos. Ipinakilala ng may-akda ang kanyang sarili na Juan na alipin ni Jesu-Cristo, na sumaksi sa salita ng Diyos at ni Jesu-Cristo at nasa pulo ng Patmos dahil sa kanyang pananampalataya (1:1,2,9).
Itong Juan na sumulat sa aklat na ito ay isang kilalang pinuno ng mga Krisityano kung kaya’t siya ay dinalang bihag sa Patmos. Siya ay dinalang bihag sa Patmos dahil siya’y itinuturing na banta. Ang kanyang paggamit ng Lumang Tipan na isinulat sa Hebreo ay nagpapakita na siya ay Judio mula sa Palestine, at hindi isang katutubong griyego. Pero kabisado rin niya ang Lumang Tipan na isinalin sa Griyego at ginamit din niya ito ng tama dito sa aklat na ito. Idagdag pa natin ang katotohanan na ang mga tema na may kaugnayan sa ebanghelyo at mga sulat ni Juan kagaya ng mga sumusunod: si Jesus ang Salita, ang kordero at pastol, tinapay o manna, tubig ng buhay, buhay at ilaw, mapanakop o conquering, ang pagsunod sa salita at mga utos ng Diyos, at marami pang iba – ay mababasa din dito sa aklat na ito.
Ang Juan na ito ay ang apostol ni Jesu-Cristo na si Juan, ang minamahal na apostol.
Bukod sa mga katibayan na matatagpuan sa aklat ng Apocalispsis, may mga nagpatotoo na si Juan na apostol ni Jesus nga ang nagsulat ng aklat na ito. Ang mga nagpatotoong ito ay ang mga manunulat noong ikalawang siglo na sina Justin Martyr (100-165), Melito ng Sardis (c. 165), na isang bishop ng isa sa mga iglesiya na sinulatan ni Juan, at si Irenaeus (c. 180), na nanggaling din sa Sardis at kilala niya si Polycarp, na isa sa mga personal na tagasunod ni apostol Juan.
Kung kaya’t ang panloob na katibayan at mga patotoo ng mga manunulat na Krisityano ang nagpapatunay na ang sumulat nitong aklat na ito ay apostol Juan.
THE DATE OF WRITING
May mga nagsasabi na ang aklat na ito ay isinulat bago ang pagbagsak ng Jerusalem at pagkawasak ng templo noong AD 70 . Karamihan sa mga naniniwala dito ay nagsasabing ang Apocalipsis ay hindi ipinapangaral ang pagbabalik ni Jesus kundi ito ay isang propesiya tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem. Mahalaga para sa pananaw na ito ay ang mga numerong 666 na sinasabi nilang numero ni Nero. Sa panahon ni Nero noong AD 64—65 nangyari ang matindi at malawakang pag-uusig. Pero ang pag-uusig na ito ay sa Jerusalem lamang, at walang katibayan na ito ay napalawig at nakaabot sa mga probinsya ng Asia minor, na kung saan nandoroon ang mga simbahan na para sa kanila ang sulat na ito ni Juan.
Sa panahon na ang sulat na ito ay ipinadala, ang pag-uusig sa mga Kristiyanong iglesiya sa Asia Minor ay paminsan-minsan lamang, hindi kagaya ng pag-uusig na nangyari sa Jerusalem sa panahon ni Nero na ito ay tuloy-tuloy. Ang mga pag-uusig ay nangyayari lamang sa mga bahagi ng mga probinsya na kung saan nandoroon ang pitong iglesiya na sinusulutan ni Juan.
Ang iglesiya sa Efesus ay itinatag noon AD 52. Ang simbahang ito ay may katandaan na noong ipinadala ang sulat ni Juan, kung kaya’t sinabing nalimutan nito o iniwan nito ang una niyang pag-ibig (2:4). Ang iglesiya ng Laodecia ay mayaman (3:17), pero ito ay nawasak dahil sa lindol noong AD 60-61 at tiyak na maraming taon ang lumipas pagkatapos ng lindol bago ito naitatag na muli. Ang mga manunulat na Krisitiyano na kagaya ni Irenaeus ay nagsabing natanggap ni Juan ang pangitain sa panahon ng pamamahala ng emperor na si Domitian (81-96), at sa panahong ito itinatag ang pagsamba sa emperador sa Efeso. Dahil dito nagkaroon ng ilang pag-uusig sa mga Kristiyano. Malalaman natin sa mga susunod na pag-aaral natin na ang mga Krisityano ay pinupuwersang makisali sa pagsamba sa emperador. Kung kaya’t noong mga AD 100, ang karaniwang sumbong laban sa mga Kristiyano ay ang hindi pagsamba sa emperador.
Sa panahong iyon, ang Judaismo ay binigyan ng pribilihiyo ng Roma na hindi makisali sa pagsamba sa emperador. Noong una, dahil sa pag-aakalang ang Judaismo at Krisityanismo ay magkaparehas lamang, hindi nakaranas ang mga Kristiyano ng pag-uusig. Ngunit dahil sa sumbong ng mga Judio na ang Krisityanismo ay iba sa Judaismo, ang pag-uusig ay nagsimulang mangyari laban sa mga Kristiyano.
Base sa ating magiging pag-aaral, may mga Judiong Kristiyano na dahil gustong maiwasan ang pag-uusig ay nanumbalik sa pagsamba sa mga Sinagoga, at may mga Hentil na Kristiyano ang bumigay sa pag-uusig kung kaya’t sila ay nakisali na rin sa pagsamba sa emperador. Sa Asia minor na kung saan nandoroon ang pitong iglesiya na sinulatan ni Juan, ang pag-uusig ay naging maigting mula AD 90 paitaas. Ang mga tao ay pinupuwersa na mag-alay habang ang prosesyon para sa emperador ay dumaraan sa kanilang mga bahay. Ito ay nangyari dahil ang mga lokal na pinuno, sa kagustuhang bumango ang kanilang pangalan sa Roma, ay pinipilit ang mga tao na makisali sa pagsamba sa emperador.
Ang mga katibayan ay ipinapakita na ang aklat na ito ay isunulat pagkatapos ng AD 90, sa panahon na iyon si apostol Juan ay matanda na.
ANG KALIKASAN NG AKLAT
Ang aklat na ito ay isang “Apocalipsis-propesiya at sulat”. Ito nga ang ipinapahayag sa unang kabanata ng aklat na ito. Sa unang talata ay ipinahayag na ito ay “apocalipsis ni Jesu-Cristo.” Sa ikatlong talata ay ipinahayag na ito ay isang propesiya – “Mapalad ang bumabasa at ang nakikinig ng mga salita ng propesiya…”, at mula ika-apat hanggang ika-walong talata ay ipinahayag sa atin na ito ay sulat ni Juan sa pitong iglesiya na nasa Asia.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng apocalpsis? Ang ibig sabihin nito ay ang paghahayag ng isang bagay na nakatago. Katulad ng isang eskultura na tinakpan ng malaking tela, na tinanggal ang tela upang makita ng mga tao ang eskultura. Ang apocalipsis ay isang uri ng panitikan na may kinalaman sa mga huling araw. Bago ang aklat ng Apocalipsis, may mga naisulat na mga aklat na may kinalaman sa mga huling araw. Sa Lumang Tipan ang mga aklat ni Ezekiel, Daniel at Zacarias ay mga aklat ng kapahayagan ng mga mangyayari sa huling araw. Sa katunayan ang salitang “apocalipsis” dito sa unang kabanata , unang talata ng Apocalipsis ay nanggaling sa Daniel ikalawang kabanata na kung saan sinabi na ang propesiya ay ipinahayag ng Diyos kay Daniel.
Ang mga aklat ni Ezekiel, Daniel at Zacarias ay hindi lamang mga aklat ng apocalipsis, ang mga ito rin ay propesiya. Ang salitang propesiya ay kaakibat ang mga kaisipan ng paghahayag ng kalooban ng Diyos para sa kasalukuyan, at kung ano ang gagawin ng Diyos sa hinaharap. Ganito rin ang aklat ng Apocalipsis, hindi lamang nito ipinapahayag kung ano ang mangyayari o gagawin ng Diyos sa hinaharap o ang pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ito rin ay kapahayagan ng mga nangyari na, nangyayari, at kung ano at sino ang nasa likod ng mga nangyayari.
Ang kalikasan ng aklat na ating pinag-aaralan ngayon ay maaring pakahulugan ng ganito: Ito ay kapahayagan ng pagpapakahulugan ng Diyos, sa pamamagitan ng mga pangitain at pananalitang mahirap maunawaan, ng hiwaga ng kanyang payo tungkol sa nakaraan, kasalukuyan, at sa hinaharap, at kung ano ang kaugnayan ng nangyayari sa langit sa mga ito. Ang makalangit na kapahayagan ay karaniwang kontra sa pananaw ng tao tungkol sa kasaysayan at mga pinapahalagahan ng mga tao. Ang layunin nito ay upang ang mga tao ay mabago at itugma ang kanilang pananaw sa makalangit na pananaw.
Ang mga bumabasa ng aklat ni Juan ay namumuhay sa makamundong lipunan na kung saan ang kasalanan ay parang normal lamang, at ang katuwiran ay isang kakaibang bagay. Kung kaya’t isinulat ni Juan ang aklat dahil nakikita niya ang panganib na kinakaharap ng mga iglesiya; baka ang mga iglesiyang ito ay mapilitang sumama na lamang sa kultura ng kanilang lipunan at gawing pamantayan ang tinatawag na normal ng makamundong sistema ng lipunan at talikuran ang tanghal na katotohanan ng Diyos.
Ang pinagtutuunan ng pansin ng aklat ni Juan ay kung papaano mamumuhay ang iglesiya sa gitna na makasalanang mundo. Ang mga makalangit na kapahayagan ang magbibigay ng tamang pananaw sa mga iglesiya sa kung ano talaga ang nangyayari sa mundo. Ito ay ibang-iba sa pananaw ng mundo. Sa mga susunod nating pag-aaral, makikita natin na ang mga pangitain na ipinahayag kay Juan ay may kinalaman sa kalagayan ng iglesiya ng Diyos sa lahat ng panahon, hindi lamang sa hinaharap.
Hindi lamang apocalipsis at propesiya ang aklat na ito. Ito rin ay isang sulat ni Juan para sa pitong iglesiya sa Asia. Ito ay naglalaman ng mga tagubilin tungkol sa maka-diyos na pamumuhay na ipinagkaloob sa mga mananampalataya. Kagaya ng ibang mga sulat sa Bagong Tipan, ang sulat na ito ay ipinadala para tulungan ang mga mananampalataya sa mga problema at mga sitwasyon na kanilang kinakaharap. Naglalaman din ito ng mga tagubilin na dapat nilang sundin sa ilaw ng kanilang katayuan bilang kaisa ni Cristo sa pananampalataya, upang sila ay hindi maki-ayon sa sanlibutan.
ANG APAT NA PAMARAAN NG
PAGPAPAKAHULUGAN
May apat na pananaw tungkol sa pagpapakahulugan sa aklat na ito:
Una, ang Preterist na pananaw. Ang salitang “Preterist” ay tungkol sa nakaraan. Ayon sa pananaw na ito ang Apocalipsis ay propesiya tungkol sa pagbasak ng Jerusalem noong AD 70 at ang lahat ng nakasulat sa aklat na ito ay naganap na. Ngunit, kagaya ng ating napag-aralan na, ang aklat na ito ay naisulat maraming taon pagkatapos ng pagbagsak ng Jerusalem. Ang kahinaan nitong pananaw na ito ay, wala ng silbi ang aklat na ito sa pitong iglesiya na sinulatan ni Juan at sa lahat ng tao na nabuhay pagkatapos ng mga unang mga taon ng iglesiya hanggang AD 70.
Pangalawa, ang Historicist na pananaw. Para sa mga historicist ang mga pitong tatak, trumpeta, at mangkok ay mga larawan ng makakasunod na panahon ng iglesiya. Sila ay naniniwala na ang mga sagisag o simbolo sa Apocalipsis ay tinutukoy ang magkakasunod na mga pangyayari sa kasaysayan, karaniwan sa kasaysayan ng mga bansa sa kanluran na kagaya ng Amerika at Europa. Iniuugnay nila ang mga sagisag sa mga pangyayari kagaya ng pagbagsak ng emperyo ng mga Romano, ang korapsyon ng Papa ng Roma, ang Reformation, at marami pang mga pangyayari sa kasaysayan ng mundo. Ang pagbabalik ni Jesus ay laging inaasahan na mangyayari sa madaling panahon. Ang kahinaan ng pananaw na ito ay, ang mga naniniwala sa pananaw na ito ay iba-iba ang kanilang pagpapakahulugan sa aklat na ito. Pinapakahulugan nila ito ayon sa nakikitang nangyayari sa kanilang panahon at sa kanlurang bahagi ng mundo. Kung kaya’t ang aklat na ito ay walang silbi para sa mga iglesiya sa labas ng kanlurang bahagi ng mundo.
Pangatlo, ang pananaw ng mga Futurist. Ayon sa mga futurist, ang buong aklat, puwera ang una hanggang ikatlong talata, ay mga propesiya tungkol sa mga mangyayari bago ang pagdating na muli ni Jesus at pagtatapos ng kasaysayan.
May dalawang uri ang pananaw na ito. Una, ang Dispensational futurism. Ang mga naniniwala sa pananaw na ito ay pinakakahulugan ang mga pangitain ng literal at ayon sa kanila ang mga ito ay sunod-sunod na mangyayari. Para sa kanila, ang mga pangitain sa ika-apat hanggang ika-dalawampu’t dalawang kabanata ay nagre-representa sa kung ano ang aktuwal na mangyayari sa kasaysayan, at ang mga ito ay mangyayari sa hindi pa nangyayaring huling mga araw. Naniniwala sila na ang bansang Israel ay panunumbalikin bago ang kabanata 4:1. Ang mga susunod na mangyayari pagkatapos ng panunumbalik ng Israel ay: (1) ang iglesiya ay mara-rapture sa langit, (2) magkakaroon ng pitong taong pagpapahirap, (3) ang paghahari ng anti-Cristo ay magsisimula, (4) ang mga bansa ay magtitipon upang makipag-digma laban sa Jerusalem, (6) babalik si Cristo at gagapiin niya ang mga bansa, (7) maghahari si Cristo ng isang libong taon, (8) titipunin ni Satanas ang lahat ng mga hindi mananampalataya sa pagtatapos ng isang libong taon upang makidigma kay Cristo, at (9) gagapiin ni Cristo ang diyablo at magsisimula ang kanyang magpawalang-hanggang paghahari sa langit. Kaya lang, walang naman sinabi sa Apocalipsis tungkol sa pagpapanumbalik sa bansang Israel sa kanyang lupain, o kaya ay ang rapture ng iglesiya. Ang mga naniniwala sa pananaw na ito ay pabago-bago ang kanilang pagpapakahulugan sa mga pangyayari sa kasaysayan upang itugma ang mga ito sa kanilang inaakalang huwaran o pattern. Noong 20th century, marami sa mga naniniwala sa pananaw na ito na si Hitler ay ang anti-Cristo, noong nawala si Hitler, iba naman ang pinagbibintangan nilang anti-Cristo hanggang nakarating sila kay Saddam Hussein. Isinama na rin nila sa kanilang listahan ang iba-ibang mga Papa ng Roma at mga Pulitiko. Noong nawala na ang mga binanggit nilang mga personalidad sa eksena, pinalitan na nila ang mga ito ng ibang personalidad. Ganito rin ang kanilang pananaw sa iba-ibang pangyayari sa mundo kagaya ng pangalawang digmaan, ang Europian Common Market, ang Gulf War, Y2K, at pinagbitangan nila si Saddam Hussein na muling itinatayo ang Babilonia. Sa ibang pananalita, ang Kasulatan ay pinapakahulugan ayon sa mga makabagong mga pangyayari. Parang ganito ang kanilang ginagawa, magbabasa sila ng diyaryo/peryodico, at pagkatapos ay kukunin nila ang Biblia at pakakahulugan nila ang sinasabi ng Biblia ayon sa kanilang nabasa sa dyaryo.
Ang pananaw na ito ay ginawang may kahalagahan lamang ang ikaapat hanggang ika-dalawampu’t isang kabanata para sa mga taong mabubuhay lamang sa huling mga araw. At dahil kanilang ipinapangaral na ang iglesiya ay dadalhin sa langit bago ang mga pangyayari sa ika-apat hanggang ika-dalawampu’t isang kabanata, ang mga kabanatang ito ay walang silbi para sa iglesiya.
Ang tanong ay: Bakit ibinigay pa ang aklat na ito sa iglesiya, kung hanggang ikatlong kabanata lamang ang para sa iglesiya? Kung ganito ang pananaw ni apostol Juan, hindi kaya magtaka ang pitong iglesiya kung bakit ipinadala sa kanila ang sulat na ito na wala namang kinalaman sa kanila? Tandaan ninyo ito, ang pitong iglesiya dito sa unang tatlong kabanata ng Apocalipsis ay representasyon ng pangkalahatang iglesiya sa lahat ng panahon.
Ang ikalawang uri ng futurist ay ang Progressive Dispensationalism. Pinanghahawakan din ng mga taong naniniwala sa pananaw na ito pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari mula kabanata ika-apat hanggang ika-dalawampu’t isa ng Apocalipsis. Ang pagkakaiba lamang nila ay, para sa mga progressives ang huling mga araw ay nagsimula sa panahon ng iglesiya o church age, at marami sa mga pangitain ay hindi literal na pinapakahulugan kundi symbolically.
Mayroon ding tinatawag na Modified Futurism, ang iba sa mga ito ay pinatotohanan ang ang iglesiya ay ang tunay na Israel at walang “pretribulation rapture”. Kundi ang mga mananampalataya ay dadaan sa huling panahon ng pag-uusig o pagsubok. Marami kundi hindi man lahat sa mga pangyayari na ipinahayag mula ika-apat hanggang ika-dalawampu’t dalawalang kabanata ay tinutukoy ang huling bahagi ng pag-uusig o tribulation. Gayunpaman, may problema pa rin sa ganitong pamaraan ng pagpapakahulugan dahil mayroon pa ring mga mananampalataya na parang walang halaga sa kanila ang mga pagsasaganap ng mga pangitain.
At pang-apat, ang Redemptive-Historical Idealist na pananaw. Ang idealist na pananaw ay pinapakahulugan ang buong aklat na sagisag ng digmaan sa pagitan ng mabuti at masama. Ang mga tatak, trumpeta at mangkok ay mga paulit-ulit na pangyayari sa kasaysaysan at ang mga ito ay tagubilin sa mga mananampalataya na manatiling tapat sa gitna ng mga pagdurusa at pag-uusig na kanilang nararanasan.
Naniniwala tayo na ang pananaw na ito ay tama, pero dapat ito ay may pagbabago dahil ang aklat ng Apocalipsis ay itinuturo rin ang mga pangyayari na may kinalaman sa pagdating ni Jesus: ang lubusang paggapi niya sa kanyang mga kaaway, at ang pagtatatag ng makalangit na kaharian. Marami sa mga pangyayari na ipinahayag bilang propesiya ay mahalaga sa buhay ng iglesiya sa lahat ng panahon, liban doon sa mga pangyayari na may kinalaman sa pinakahuling bahagi ng kasaysayan at pagbabalik ni Cristo.
Ang mga Preterist at mga historicist ay tama rin sa kanilang pang-unawa na may mga partikular na mga pangyayari sa aklat na ito ay naganap sa aktuwal na kasaysaysan. Pero ang katotohanan ay, ang kahulugan ng mga ipinahayag na pangyayari o mangyayari ay hindi eksklusibong may kaugnayan sa aktuwal na pangyayari dahil makikita ang kaganapan ng aklat ng apocalipsis sa mga pangyayari sa kasaysayan ng iglesiya.
Kaya nga ang mensahe ng Apocalipsis ay may kaugnayan at kahalagahan sa lahat ng mananampalataya sa lahat ng panahon. Ito ang rason kung bakit ibinigay kay Juan ang pangitain. Tatawagin natin ang pananaw na ating gagamitin sa ating pag-aaral sa aklat na ito na “eclectic redemptive-historical idealist view”. Bagama’t ang focus natin ay ang symbolic presentation ng pagdidigma sa pagitan ng mabuti at masama at sa mga paulit-ulit na pangyayari sa kasaysayan sa panahon ng iglesiya, ang mga tamang aspeto ng preterist, historicist, at futurist ay isasama sa pananaw na ito.
ANG TAMANG PAGPAPAKAHULUGAN SA AKLAT
Ang isa sa pinaka-init na pagtatalo ng mga theologians ay kung papaano pakakahulugan ang aklat ng Apocalipsis, ito ba ay pakakahulugan sa pamamagitan ng sagisag o literal. Ang mga futurist ay naniniwala na ang tamang pagpapakahulugan ay literal. Subalit ang kabaligtaran ang ipinapahayag ng unang talata ng aklat na ito – “Ang apocalipsis ni Jesu-Cristo, na ibinigay ng Diyos sa kanya upang ipahayag sa kanyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari sa madaling panahon, at kanyang ipinaalam ito sa pamamagitan ng mga sagisag at pagsusugo ng kanyang anghel sa kanyang aliping si Juan” (1:1).
May apat na elemento ang sinabi ni Juan dito unang talata:
1. Ang apocalipsis o pahayag;
2. Ibinigay ng Diyos o ipinakita ng Diyos;
3. Mga bagay na kinakailangang mangyari;
4. Sa pamamagitan ng mga sagisag.
Ang mga pananalitang ginamit ni Juan ay nanggaling sa Daniel 2:28-30, 45, na kung saan ang apat na elemento ay makikita, ang unang tatlo ay nasa talata 28 at 29, at ang pang-apat ay sa talata 45 sa pagtatapos ng pagpapakahulugan sa panaginip ni Nebukadnesar.
1. Diyos ang naghahayag ng hiwaga;
2. Kanyang ipinaalam;
3. Kung ano ang mangyayari;
4. Ipinaalam ng Diyos sa hari
Ibuod natin ang konsteksto ng Daniel 2, dahil ito ang nasa isip ni Juan. Sa Daniel 2:45 ay Sinabing – “Kung paanong iyong nakita na ang isang bato ay natibag mula sa bundok, hind isa pamamagitan ng kanya at dinurog ang mga bakal, ang tanso, ang luwad, ang pilak at ginto, ipinaalam ng dakilang Diyos sa hari kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang panaginip ay totoo at ang kahulugan nito’y magpakakatiwalaan.” Ayon kay G.K. Beale sa kanyang Shorter Commentary sa Revelation, ang ginamit na salita para sa “ipinaalam” sa septuaginth ay ang salitang griyego na “semaino” sa paglalarawan sa pangitain kay Nebukadnezar. Ang salitang ito sa griyego ay may kahulugang symbol o sagisag sa Pilipino. Kung kaya’t ang Daniel 2:45 ay maaring basahin na ganito: “isinagisag ng dakilang Diyos sa hari kung ano ang mangyayari sa hinaharap.” Ang tinutukoy na sagisag dito ay ang panaginip ni Nebukadnesar. Sa kanyang panaginip ay nakakita siya ng malaking rebulto na may apat na bahagi. Ang ulo ay ginto, ang dibidib at bisig nito ay pilak, ang tiyan at hita ay tanso, ang binti nito ay bakal, at ang paa ay may bahaging bakal at luwad. Ang rebulto ay dinurog na isang natibag na bato, at ang bato ay naging malaking bundok at pinuno ang buong lupa. Sinabi ni Daniel sa hari na ang pangitain ay isang sagisag. Ang rebulto ay apat na simbolo o sagisag ng apat ng kaharian (Babilonia, Medo-Persia, Greece, at Roma). Ang bato na dumurog sa kaharian ay representasyon ng kaharian ng Diyos, ito ang gagapi sa mga masasamang kaharian sa mundo at pupuno sa mundo.
Ang pagpapakahulugan ng pangitain o panaginip ay hindi literal. Ang rebulto ay may sinisimbolo o sinasagisag. Dito sa Apocalipsis 1:1 ginamit ni apostol Juan ang salitang sagisag ayon sa pagkakagamit sa Daniel 2:45, upang ipakita na ang ipinahayag sa kanya ng Diyos ay sagisag o simbolo. Kung kaya’t halos lahat ng mga bagay na ipahahayag kagaya ng leon, kordero, halimaw, kababaihan, ang mga numero na kagaya ng pito, labing-dalawa, apat, sampu, isang libo, at iba pa ay pawang mga sagisag.
Sa ilaw ng mga ito, ang tamang pagpapakahulugan sa aklat ng Apocalipsis ay sa pamamagitan ng sagisag, malibang malinaw na ipinapahayag na ito ay literal.
Bakit gumamit ang Diyos ng mga sagisag o simbolo sa paghahayag dito sa aklat na ito? Nagbigay ng palatandaan ang Diyos dito sa unang talata sa kanyang paggamit ng mga sagisag o simbolo, at ito ay mga pananalitang “upang ipahayag sa kanyang alipin.” Ang mga kapahayagan dito ay para sa mga taga-sunod ni Jesus at hindi para sa lahat ng tao. Ito ay kahalintulad ng paggamit ni Jesus ng talinghaga, na nakaugat sa mga pananalita at tanda ng mga propeta sa Lumang Tipan. Noong si Jesus ay tinanong siya kung bakit siya gumagamit ng talinghaga ay sumagot na “Sapagkat sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit hindi ipinagkaloob sa sa kanila (Mateo 13:11, ff). Ang talinghaga ni Jesus ay parehas ang layunin sa mga pananalita at mga tanda ng mga propeta sa Lumang Tipan. Ginamit niya ang talinghaga upang kunin ang atensyon ng mga nakikinig na mga mananampalataya na tila natutulog upang sila ay magising. Pero para sa mga hindi mananampalataya o mga nagkukunwaring mananampalataya, ang talinghaga ay walang saysay sa kanila at kanilang pagtanggi sa mensahe na ipinapahayag sa pamamagitan ng talinghaga ay katibayan ng pagpapatigas ng kanilang mga puso kung kaya’t ayaw nilang makinig sa Diyos.
Ang mga simbolo o sagisag dito sa Apocalipsis ay may kaparehas ng gamit sa talinghaga. Sa katunayan ang pitong ulit na pagkakasabi sa mga salitang – Ang may pandinig ay makinig ay nakabase sa Isaias 6:9-10, at sa Mateo 13:11-14 lalong-lalo na sa Mateo 13:9. Ang paulit ulit na pagwiwika sa mga salitang ito at sa Apocalipsis 13:9 ang nagpapakita na ang simbolismo ng mga pangitain ay may kaparehas na layunin sa talinghaga ni Jesus.
Sa pamamagitan ng makapangyarihan at nakakatakot ng larawan ay binubuksan ang mata ng mga tunay na mananampalataya, pero hinahayaan ang mga hindi mananampalataya na manatili sa kadiliman. Bagama’t may mga hindi mananampalataya na dahil sa pagkabigla at pagkatakot ay sasampalataya sa unang pagkakataon sa pamamagitan ng pakikinig o pagbabasa ng mga pangitain dito sa sa Apocalipsis. Kung gayon, ang mga ito ay mga tupa ni Jesus na sa pamamagitan ng mga pangitain o simbolo na kanilang narinig o nabasa ay narinig nila ang pagtawag ng dakilang Pastol. Ito ang katotohanan na ipinahayag ni Jesus sa Juan 10:16 – “Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kulungang ito. Kailangan ko rin silang dalhin dito at kanilang papakinggan ang aking tinig.”
ANG MENSAHE NG AKLAT
Natunghayan natin na ang pananalita sa unang talata ng Apocalipsis unang kabanata ay nanggaling sa Daniel 2. Sa pamamagitan ni Daniel ay ipinahayag na may apat na kaharian na magkakasunod na matatatag, ngunit ito ay dudurugin sa araw na ang Diyos sa langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. Dudurugin at wawakasan ang lahat ng mga kahariang iyon, at ito’y mananatili magpakailanman (Daniel 2:44). Sinabi ni Daniel na ipinahayag sa pamamagitan ng pangitain kung ano ang mangyayari sa mga huling mga araw (v. 28). Sa pamamagitan ng paggamit ni Juan ng pananalita mula sa Daniel, kanyang ipinapahayag na ang paghahari ni Cristo ay ang ipinahayag na propesiya ni Daniel tungkol sa huling mga araw at ngayon, ang sabi ni Juan ay kinakailangang mangyari sa madaling panahon. Ito ay mas magiging masidhi kapag ating matatanto na ang kaharian ni Cristo ay matatatag sa panahon ng ika-apat na kaharian, ang Roman Empire, na sa ilalim nito si Juan ay namumuhay (Dan.2:44).
Ang pagtatatag ng kaharian ng Diyos na ipinahayag bilang propesiya ni Daniel ay nangyayari na. Ito ang nagpapakita sa atin na ang aklat ng Apocalipsis ay hindi lamang nakatuon sa mga huling mga taon bago ang pagbabalik ni Jesus, nakatuon din ito sa paghahari ni Jesus sa panahon ng iglesiya o church age, na nagsimula sa panahon ng ika-apat ng kaharian na ipinahayag ni Daniel, sa pamamagitan ng kanyang pagkabuhay na muli at pag-akyat sa langit, at ito ay nagpapatuloy hanggang sa muli niyang pagbabalik.
Sa aklat na ito ay ipinahayag ni Juan ang propesiya ng pangitain tungkol sa totoong kasaysayan ng mundo na kung saan ay namumuhay tayo. Sinimulan niya ito sa pasimula ng aklat sa pamamagitan ng pananalitang – “Ang apocalipsis ni Jesus-Cristo” (Apoc. 1:1).
Itong propesiya at pangitain na ito ay ipinapahayag sa atin ang mga sumusunod: una, na si Jesus na naghahari sa langit ay may iglesiya dito sa lupa. Alam ba ninyo na si Jesus ay nasa kalagitnaan ng kanyang iglesiya? Ito nga ang mababasa natin sa Apocalispsis 1:12-13 – “Ako’y lumingo upang makita kung kanino ang tinig na nagsasalita a kin. At sa aking paglingon, nakita ko ang pitong gintong ilawan, at sa gitna ng mga ilawan ay may isang katulad ng isang Anak ng Tao, na may suot na damit hanggang sap aa, at may gintong bigkis sa kanyang dibdib”. Pangalawa, alam ba ninyo na ang mundong ito ay isang mapanganib na lugar dahil nandirito ang mga kaaway ni Jesus at ng kanyang iglesiya? Ang asawang babae ni Jesus, ang iglesiya ay pinapahirapan ng dragon, na representasyon ni Satanas, na nagpahayag bilang isang halimaw, mahalay na babae ang babilonia, at mga taga-sunod na taglay ang kanyang tanda (Apoc. 12-13). Pangatlo, ano ang mangyayari sa asawang babae ni Jesus, sa kanyang pagharap sa mga mapanganib ng mga kaaway? Ang sagot ng apocalipsis ay sila ay ipagtatanggol ng Diyos, hahatulan niya ang kanilang mga kaaway at ipapadala si Jesus upang gapiin at hatulan ang mga nagpapahirap at umuusig sa kanyang asawang babae. At pang-apat, ililigtas ni Jesus ang kanyang asawang babae at ito ay maninirahan na kapiling ng nagmamahal sa kanya sa bagong langit at lupa (Apoc. 21-22).
Ang mensahe ng aklat na ito ay: Ang layunin ng Diyos sa kanyang pamamahala sa kasaysayan ay para sa pagtutubos ng binanal at inuusig na iglesiya sa pamamagitan ng tagumpay ni Jesu-Cristo na kanyang Anak. Ang paliwanag ni William Hendriksen ay – “the book reveals the principles of divine moral government which are constantly operating, so that, whatever age we happen to live in, we can see God’s hand in history, and His mighty arm protecting us and giving us the victory through our Lord Jesus Christ.. so we are edified and comforted.”(More than Conquerors).
ANG PAMARAAN NG BIYAYA
Sa huli, ang Apocalipsis ay daluyan ng pagpapala sa para sa mga taong nagbabasa, nakikinig, at tumutupad ng mga bagay na nasusulat dito, sapagkat ang panahon ay malapit na (1:3). Dahil ang Diyos na nagbigay ng aklat na ito ay siya pa ring Diyos na namamahala sa lahat ng bagay ng may katalinuhan at kapangyarihan, ang mga bumabasa at sumasampalataya sa aklat na ito ay pagpapalain Niya.
Ang pagpapala ay, una sa lahat, ipinagkakaloob sa bumabasa ng mga bagay na nasusulat sa aklat ng apocalipsis. Ang pagkakaayos ng mga ilgesiya sa Apocalipsis 2-3 ay siyang susundin ng mensahero sa kanyang paghahatid ng sulat na ito. Kung kaya’t siya ay maglalakbay sa iba-ibang lunsod.
Ang intensyon ni Juan sa pagpapadala sa sulat na ito ay upang basahin sa bawat iglesiya ng malakas ang nilalaman nito.
Sa panahon ng pag-uusig, ang gawaing ito ay nangangailangan ng tapang, lakas ng loob at katapatan sa Panginoon Jesus, kung kaya’t ang magbabasa nito ay tiyak na pagpapalain.
Idagdag pa natin dito ang katotohanan na halos lahat ng mga pangitain na ipinahayag ay ipinahayag sa konteksto ng pagsamba sa sankalaingitan, ito dapat ay babasahin sa pagsamba ng mga iglesiya. Ang iglesiya dito sa lupa ay dapat na ipakita ang larawan ng pagsamba ng iglesiya sa sankalangitan. Kung kaya’t ang pagbasa sa aklat na ito ay dapat na gawin ng may paggalang at pagkamangha.
At pangalawa, ang pagpapala ay ipinagkakaloob sa mga taong nakikinig at tumutupad ng mga nasusulat sa aklat na ito. Sa panahong ang aklat na ito ay isinulat, maraming tao ang hindi marunong magbasa kung kaya’t ang sulat ay babasahin ng malakas upang ang mga hindi marunong magbasa ay makapakinggan ito at maunawaan.
Ang pakikinig ay ang pagbibigay halaga sa nilalaman ng sulat. Kung ito ay pinapakinggan, ang ibig sabihin ito ay itinuturing na mahalaga. Pero hindi sapat ang pagbabasa at pakikinig, kailangan ding tuparin ng nagbabasa o nakikinig ang lahat ng nasusulat sa aklat.
Ang aklat na ito ay ang patotoo ni Jesus sa kanyang iglesiya, at ang iglesiya ay binubuo ng mga nagmamahal sa kanya. Kung kaya’t dahil sila ay nagmamahal sa kanya, ang inaasahan ng Diyos ay hindi lamang basahin at pakinggan ang mga salita na nakapaloob sa aklat na ito, kundi ang mga ito rin ay dapat na tuparin ng mga nakabasa at nakapakinig.
Kung kaya’t sa ating pag-aaral ng aklat na ito, hindi tayo dapat nakukuntento sa pakikinig at pagbabasa, kailangan nating sundin ang utos ng Diyos na kanyang ipinapahayag sa aklat na ito. Hindi tayo dapat nakukuntento sa kagalakan na maunawaan ang nilalaman ng aklat na ito, dapat ay magkaroon din tayo ng kagalakang isagawa ang nilalaman ng aklat ng ito para sa ikaluluwalhati ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesus, na dahil sa kanyang pagkabuhay na muli sa mga patay at pag-akyat sa langit upang siyang maghari sa langit at sa lupa, tayo ay higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan niya na sa atin ay umibig (Roma 8:37). Amen
Comments