top of page
Search

BINABATI NG TRINIDAD ANG IGLESIYA

Updated: Mar 10

TEXT: Rev. 1:4-6


INTRODUCTION: Noong ako ay naging Kabataang Barangay Chairman sa aming Barangay sa Bayambang, Pangasinan ako ay nakatanggap ng mga greetings cards tuwing birthday at Christmas galing kay Presidente Marcos. Sa tuwing ako ay nakakatanggap ng Greetings Card, ako ay nagagalak dahil ang inaakala ko ay kilala ako ng Presidente kung kaya’t alam niya ang aking kaarawan at naalala niya ako tuwing Pasko. Pero noong ako ay nakatapos ng kolehiyo at nakapagtrabaho sa Senado, doon ko nakita na ang mga Greeting cards ay ipinapadala sa lahat ng may katungkulan sa barangay ayon sa listahan na kanilang nakuha sa DILG. Ang ibig kong sabihin ay, hindi talaga nanggagaling sa puso ang kanilang sinasabi sa Greetings cards na ipinapadala nila. Hini

 

          Sa umagang ito, ating pag-aaralan ang pagbati ng Diyos, ang Ama, Anak at Espiritu Santo, ang Diyos sa kanyang iglesiya, na binubuo ng lahat ng mananampalataya o hinirang. Ito ay pagbati sa mga taong tunay na nakikilala niya at nakakakilala sa Kanya; sa mga tao na kaisa niya sa pamamagitan kanyang Anak at pinanahanan ng Espiritu Niya at ng kanyang Anak. Kung ang pagbati sa pamamagitan ng Greetings card ng Presidente ng Pilipinas at iba pang mga liders ng ating bansa ay nakapagbibigay na kagalakan sa puso ng mga taong nakakatanggap ng mga ito, hindi ba mas nakakamangha at nakapagbibigay ng kagalakan sa bawat isang kasapi sa iglesiya ng Diyos na ang Soberenyang Diyos na lumalalang ng langit at lupa, at kumilos upang tubusin ang lahat ng kanyang hinirang ang bumabati sa kanila? Mayroon pa bang higit na nakapagbibigay kagalakang pagbati kaysa pagbati ng Diyos sa atin? Ang sagot ay wala ng mas makakahigit pa.

 

          Ang tema ng ating pangangaral sa gabing ito ay: Ang pagbati ng tatlong persona ng Diyos na ang naging resulta ng kanilang pagkilos ay ang bagong katayuan ng bawat Kristiyano, para sa Kanyang kaluwalhatian.

 

          Pag-aaralan natin ang temang ito sa pamamagitan ng apat na punto: Una, si Juan na may akda, pangalawa, ang pitong iglesiya, pangatlo, ang Trinidad ang pundasyon ng kapahayagan, at pang-apat, ang resulta ng gawain ng Trinidad.

SI JUAN NA MAY AKDA

 

          Sa ating unang pag-aaral sa aklat na ito, ipinahayag sa atin na si apostol Juan ang sumulat ng aklat ng Apocalipsis. Si apostol Juan ay isa sa mga mahahalagang personalidad sa Bagong Tipan. Siya ang isa sa pinaka-malapit na alagad kay Jesus, kung kaya’t siya ay tinawag na “alagad na minamahal” (John 19:26) at siya rin ang sumulat sa ebanghelyo na nakapangalan sa kanya at ang tatlong sulat na nakapangalan din sa kanya.

 

          Noong isinulat ni Juan ang aklat na ito noong mga 90-95 AD, siya ay mga 90 taong gulang na. Siya ang pinakahuling alagad ni Jesus na namuhay sa mundong ito. Siya ang itinuturing na pinakabata sa mga orihinal labing-dalawang alagad ni Jesus. Maaring siya ay teenager pa lamang noong siya ay tinawag na alagad ni Jesus at noong nasaksihan niya ang kamatayan ni Jesus sa krus at noong siya ay nakipag-unahang tumakbo kay Pedro papunta sa libingan ni Jesus. Kung kaya’t si Juan ay naglingkod kay Jesus ng mahigit na animnapung taon. Sa animnapung taon na iyan, si Juan ay naglingkod na alagad, saksi ng ebanghelyo at Pastor ng iglesiya. Si Juan ay tapat na lingkod ni Jesus. Ipinakita niya sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod ang katapatang ipinakita ni Jesus sa kanyang Ama noong siya ay nasa piling pa ng kanyang mga alagad.

 

          Ayon sa sa tradisyon ng iglesiya, si Juan sa mga huling mga taon ng kanyang buhay ay naglingkod bilang Pastor ng iglesiya sa Efesus. Ito ay pahiwatig ng kababaang loob ni Juan.  Ang iglesiya sa Efesus ay itinatag ni apostol Pablo (Gawa 19). Pagkatapos ay ipinagkatiwala ni Pablo ang iglesiyang ito kay Timoteo (1 Tim. 1:3). Kung kaya’t si Juan ay tinanggap ang pagpa-Pastor sa iglesiyang ito upang kumpletuhin ang sinimulang gawain ni Pablo at ni Timoteo, na kumpara sa kanya ay mas mababa ang katayuan sa iglesiya. Ipinakita ni Juan sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod bilang Pastor sa Efesus ang kababaang loob na nakita niya sa Panginoong Jesus.

 

          Bagama’t siya ay tumanda na sa paglilingkod kay Jesus, makikita natin dito sa aklat ng Apocalipsis na siya pa rin ay lumalago bilang lingkod ni Jesus. Ang inaasahan natin sa katulad ni Juan na isang higanteng personalidad sa iglesiya ay kumpleto na ang kanyang kaalaman dahil sa tagal na kanyang paglilingkod, pero makikita pa rin natin na siya pa rin ay nagtatanong at nakakagawa ng mga kamalian. Siya pa rin ay namamangha sa mga pahayag na ipinagkakaloob at sa tagumpay ni Cristo.

 

          Noong isinulat ni Juan ang aklat na ito, siya ay nasa Patmos. Siya ay dinala doon dahil sa kanyang katapatan sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesus. Ito ang kanyang ipinahayag sa talata 9 – “akong si Juan, na inyong kapatid at inyong Karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis alang-alang kay Jesusay nasa pulo ng tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Diyos atsa patotoo ni Jesus.  Ayon kay Joel Beeke puwede nating basahin ang talatang ito sa dalawang pamaraan. Una, si Juan ay dinala sa Patmosn bilang isang martir o saksi kung kaya’t siya ay nagdurusa para kay Cristo. Pero siya ay dinala doon ayon sa pagtatalaga ng Diyos o probidensya ng Diuos, upang tanggapin niya doon ang Salita ng Diyos at ang patotoo ni Jesus, na siya rin namang ipinadala niya s apitong iglesiya sa Asya, at sa pamamagitan nila, sa buong iglesiya ni Cristo.

 

          May mga mgahahalagang mga aral na itinuturo sa atin sa pamamagitan ng kasaysayang ito.

 

          Una, ang katapatan sa paglilingkod at pagsasagawa ng ating pagkatawag. Nakita natin na kahit sa katandaan ni Juan siya ay nagpatuloy na matapat sa kanyang pagkatawag bilang apostol, saksi ng ebanghelyo at Pastor ng iglesiya. Siya ay nagpakita ng katapatan sa paglilingkod at pagsasgawa ng kanyang pagkatawag mula noong siya ay tinawag ni Jesus hanggang sa huling mga taon ng kanyang buhay. Ang kanyang katapatan sa paglilingkod ay napakahalaga sa iglesiya noong unang siglo hanggang ngayon. Pinagkalooban niya ang iglesiya mula sa kanyang panahon hanggang ngayon na pamana na nakpagbibigay ng lugod at luwalhati sa Diyos. Gayon din naman ang bawat isa sa atin. Ang panghabang-buhay na katapatan natin sa paglilingkod at pagsasagawa ng anumang pagkatawag na ipinagkaloob sa atin ni Jesus ay isang pamana na nakapagbibigay ng karangalan sa Panginoon at pagpapala sa iglesiya. Ito ang pamana na iiwan natin sa mga susunod na henerasyon na mga Kristiyano. Anong gusto ninyong maiiwang alaala sa mga susunod na henerasyong Kristiyano? Ang pagiging tapat ba sa paglilingkod at pagsasagawa ng pagkatawag ni Jesus, o ang pagiging tamad at reklamador sa paglilingkod at pagsasagawa ng inyong pagkatawag?

 

          Si Juan sa panahong kanyang isinulat ang aklat na ito ay nasa Patmos (v. 9), pero sa mahirap na kalagayan niya ay natagpuan niya ang daan patungo sa dambana ng buhay na Diyos. Sa talata 10 ay kanyang sinabing – “Ako’y nasa Espiritu ng araw ng Panginoon.” Siya’y nagsalita ng papuri para sa kanyang Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabing – READ vv. 5-6. Mahal na mahal ni Juan ang Panginoong Jesus na ang pagkabanggit ng kanyang pangalan ay sapat na upang siya ay madala sa pagpupuri kay Jesus. Kung minamahal ninyo ang Panginoong Jesus, madali para sa inyo na unawain ang ginagawa ni Juan. Kung kaya’t hindi natin dapat kinakaawaan si Juan dahil sa kanyang mahirap kalagayan kundi tayo ay dapat na mamangha sa biyaya ng Diyos sa kanya. Ang mahirap niyang kalagayan ay hindi kailanman naging balakid sa kanyang pagbibigay papuri sa ating Panginoong Jesus.

 

          Siyasatin at tanungin ninyo ang inyong mga sarili. Hindi ba sa maraming mga pagkakataon ay parang kinakaladkad lamang ninyo ang inyong mga paa sa pagpunta sa pagsamba o sa Bible Study? Bakit kayo laging late sa pagdating sa pagsamba, pero napakaaga ninyong dumating kapag kayo ay naimbitahan sa mga pagdiriwang, kagaya ng kaarawan o kasalan? Bakit napakadali para sa inyo na ipagpalit ang pagsamba sa imbitasyon ng inyong mga kaibigan na pumasyal o dumalo sa mga handaan?

 

          Hindi ba dapat bilang mga Kristiyano at lingkod ni Jesus ang inyong prayoridad ay ang paglilingkod at pagsamba sa ating Diyos na buhay? Siyasatin ninyo kung ano ang inyong pinapahalagahan, dahil kung may mas mahalaga sa inyo kaysa kay Jesus at ang kanyang mga utos, iyon ang diyos ninyong pinaglilingkuran.

 

          Pangalawa, tayo ay immortal hangga’t matapos natin ang gawain na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Si Juan ay nabuhay ng maraming taon dahil sa layunin ng Diyos. Malimit kapag may nakakausap tayong matatanda tinatanong natin kung papaano sila nakaabot sa kanilang edad, at ang karaniwang sagot nila ay, ang kanilang mga kinakain, pag-ehersisyo, at iba pang mga ginagawa. Kapag iyong mga lokong mga abogado ang makakausap mo, sasabihin nila ang nagpapahaba ng kanilang buhay ay iyong mga chicks nila. Pero paano naging mahaba ang buhay ni Juan? Ang sagot ay, dahil mayroon pang ipapagawa si Cristo sa kanya. Itinalaga ng Diyos na isulat niya at ihatid sa iglesiya ang pahayag ni Cristo Jesus upang kumpletuhin ang Kasulatan.

 

Sa mga matatanda na sa iglesiyang ito, kayo ay pinanatiling buhay ng Diyos dahil mayroon pang gawain para sa inyo. Maaring pinanatili kayo ng Diyos upang alalayan ang mga hindi kulang pa sa gulang na mga mananampalataya sa iglesiyang ito o di kaya’y upang matulungan ninyo ang mga kapwa ninyo mananampalataya na dumadaan sa mga pagsubok sa buhay na inyo ng pinagdaanan upang sila ay mapalakas at mabigyan ng kaaliwan.

 

Si Juan ay pinanatiling buhay at pinaranas sa kanya ang hirap ng panggipit ng mga nasa kapangyarihan, upang siya ay makapagbigay na lakas sa mga iglesiya na kanyang sinulutan na ang iba ay nakakaranas na ng pagdurusa dahil sa kanilang pananampalataya kay Jesus, at sa mga darating pang mga pagdurusa. 

 

Ang ating buhay ay nasa kamay ng Diyos (Awit 31:15). Tayo ay mananatiling buhay hangga’t matapos natin ang gawain na itinalaga ng Diyos para sa atin.

         

          Pangatlo, sa ating paglilingkod ay patuloy tayong matututo sa mga gawi at daan ng Diyos at mamangha sa kanyang kaluwahaltian. Kagaya ng aking sinabi kanina, marahil marami sa atin ang nag-iisip o naniniwala na sa panahon na isinulat ni Juan ang aklat na ating pinag-aaralan, na siya ay sakdal na. Iyan ay malayo sa katotohanan dahil sa aklat na ito ay matutunghayan natin na sa pakikiniig ni Juan sa Diyos, sa mga pagkakataon na siya ay dinadala ng Espiritu sa harapan ng trono ng Diyos, ay nakakagawa pa rin siya ng mga kamalian at siya pa rin ay namamangha sa kaluwalhatian at tagumpay ni Jesus.

 

          Gayon din naman tayo, habang tayo ay nabubuhay at nagpapatuloy sa pag-aaral ng salita ng Diyos, marami tayong matutunan pa na kagaya ni Juan at tayo ay patuloy na mamangha sa kaluwahaltian at tagumpay ni Jesus. Kung kaya’t tayo, katulad ni Juan, ay dapat na magpakumbaba at magpatuloy na naisin na lumago tayo sa kaalaman at karunungan at pananampalataya kay Jesus sa pamamagitan nang may kasipagang pag-aaral ng kanyang salita at pagdalo sa mga pagtitipon sa iglesiya.

 

 

 

 

ANG PITONG IGLESIYA

 

          Ang mga sinusulatan ni Juan ay ang pitong simbahan sa Asya (Apoc. 1:4). Ang pitong ito ay ang: Efesus, Pergamo, Smirna, Tiatira, Sardis, Filadelfia at Laodicea.

 

          Bakit ang pitong iglesiyang ito lamang ang sinulutan, ito lang ba ang mga iglesiya sa Asya?

 

Kapag babalikan natin ang nagpag-aralan natin nitong mga nakaraang buwan sa Bible Study tuwing Miyerkoles ay maalala natin na may dalawang iglesiyang sinulatan ni apostol Pablo na nasa labas ng Efesus, at nasa loob ng Asya. Ang mga ito ay ang iglesiya sa Colosas at sa bahay ni Felimon sa Colosas. Mayroon din iglesiya sa Hierapolis. Ang alagad ni Juan na si Ignatius ng Antioquia, dalawampung taon pagkatapos na ipadala ni Juan ang sulat niya sa pitong iglesiya, ay sumulat sa mga igelsiya sa Tralles at Magnesia na nasa Asya rin.[1] 

 

          May mga theologians na ang sagot sa tanong ay: ang pitong iglesiya ay representasyon ng mga magkakasunod na kasaysayan ng iglesiya.

 

          Pero walang katibayan na ganyan niya ang tamang sagot.

 

          Ang pinakamainam na sagot ay,  ang ipinapahiwatig ng bilang na pito ay ang pagiging kumpleto o kabuuan. Ang bilang na ito ay paboritong numero dito sa Apocalipsis. Ito ay nanggaling sa pitong araw ng paglalalang sa unang aklat ng kasulatan, ang Genesis. Pagkatapos ng paglalalang, na kinumpleto ng Diyos sa ika-pitong araw, ay mababasa natin sa Levitico ang numerong pito. Sa Levitico 4:6,17 ay ganito ang ipinapahayag – “Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik nang pitong ulit abng dugo sa harapan ng PANGINOON, na nasa harapan ng tabing ng dakong banal. Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo, at iwiwisik nang pitong ulit sa harapan ng PANGINOON has harap ng tabing.” Ang pitong beses na pagwiwisik ng dugo ay nangangahulugan ng kumpletong aksyon. Gayon din naman ang pitong araw na piyesta, ang pagtatalaga sa mga pari, ang paglibot sa Jerico, at ang paglilinis sa mga marurumi.

 

          Ang kahalagahan ng numerong pito dito sa mga talatang ating pinag-aaralan ay: ang pitong iglesiya ay representasyon ng kabuuan ng iglesiya sa buong mundo. Ito nga ang ang rason kung bakit tinapos ni Juan ang bawat sulat sa pamamagitan ng mga pananalitang – “Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesiya” (Apoc. 2:7, 11, 17, 29, 6, 13, 22). Ang pananalitang “Si Juan sa pitong iglesiya na nasa Asia” ay katumbas ng pananalitang: “Si Juan sa lahat ng iglesiya sa buong mundo at panahon.” Hindi aksidente na pagkatapos ng talata 2 at 3 itong pitong iglesiya ay hindi binanggit at ang universal pangkahalatang  iglesiya na lamang ang pinatungkulan. Kung kaya’t ang sulat na ito ni Juan ay para sa kabuuan ng katawan ni Cristo, ang iglesiya sa lahat ng panahon, kasama tayo dito.

 

          Malinaw dito sa Apocalipsis na si Juan ay sumulat sa mga Kristiyano na humaharap sa paninikil at pagdurusa. Ito nga ang ipinapahiwatig ng kanyang pananalita sa talata 9 – “Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis alang-alang kay Jesus ay nasa pulo ng tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesus.” 

 

Bagama’t sa panahong iyon ay hindi pa masyadong laganap ang pagpapahirap sa mga mananampalataya, pero ito ay nagsimula na. Ito nga ang ipinapakita ng pananalita ni Juan tungkol kay Antipas na tapat na saksi ni Juan na pinatay sa gitna ng iglesiya sa Pergamo (2:13).

 

Pero ang malawakang kapighatian na darating sa kanila ay malapit ng mangyari. Sa panahon na ang sulat ni Juan ay ipinadala sa mga iglesiya, ang pagsamba sa Emperador ay naitatag na. Kung kaya’t ang mga Kristiyano ay pinipilit na nang mga lokal na pinuno na sumamba sa Emperador, dahil sa kagustuhan nilang makakuha ng pabor sa Roma. Kung kaya’t noong 113 AD, ang romanong Gobernador sa Asya na si Pliny the Younger ay sumulat kay Emperor Trajan na kung saan siya ay humihingi ng utos kung ano ang gagawin nila sa mga Krisityano na nasa kanyang nasasakupan. Nakita niya ang paglaganap ng ebanghelyo na isang problema. Ang sabi niya ay: A great many persons of every age, of every social class, men and women alike, are being brought into trial, and this seems likely to continue. It is not only the cities, but also the towns and even country villages which are being infected with this cult-contagion.” Si Emperor Trajan, na siyang sumunod kay Domitian, ay sumagot na ang lahat ng nahatulang Kristiyano ay dapat na patayin. Iyong mga tatalikod sa Kristiyanidad ay patutunayan ito sa pamamagitan ng pagsamba sa imahe ng emperador, at kanilang susumpain ang pangalan ni Cristo.

 

          Ito ang nagpapakita, na sa ilang taon lamang pagkatapos na ipinadala ni Juan ang kanyang sulat sa pitong iglesiya, ay lumaganap na ang paninikil sa mga mananampalataya na nasa Asya.

 

          Ang mga sulat mismo ang nagpapakita na habang papalapit na ang mangyayaring paninikil o panggigipit, ang naging malaking problema ng mga iglesiya ay kapabayaang espirituwal. Sila ay naging maluwag na sa moralidad at hindi na naging tapat sa mga doktrina ng iglesiya. Ang iba ay nawala ang kasiyahan sa pangangaral ng ebanghelyo sa labas ng iglesiya. Kung kaya’t sa mga sulat ay sinaway ni Jesus ang iba dahil sa sekswal na immoralidad, at ang pagkain ng mga pagkaing iniaalay sa mga diyus-diyosan (Apoc. 2:20), ang iba ay nanghahawak na sa aral ni Balaam, at ng mga Nicolaita (Apoc. 2: 14,15), at ang iba ay naging malahininga at hindi mainit o malamig man (3:16).

 

Ang mga suliraning ito ay hindi lamang kinaharap ng pitong iglesiya, ito rin ay kinaharap ng iglesiya sa maraming panahon hanggang ngayon. Kung kaya’t ang Apocalipsis ay para sa lahat ng mga mananampalataya na nagiging pabaya na hindi natatanto na ang pagsubok sa kanilang pananampalataya ay paparating na. Ito ay isang panawag pansin sa lahat sa atin na mga mananampalataya ngayon, na tayo ay humaharap sa panganib at kung kaya’t hindi natin dapat ibinababa ang ating depensa upang tayo ay maging handa na harapin ang mga pagsubok na darating sa ating mga buhay at pananampalataya.

 

ANG TRINIDAD ANG PUNDASYON

NA PAGBATI

 

          Bagama’t ang sumulat sa Apocalipsis ay si Juan, ang mensahe nito ay nanggaling sa Diyos. Kung kaya’t sinabi ni Juan na – “biyaya at kapayapaan ang mula sa kanya na siyang ngayon, ang nakaraan at ang darating; at mula sa pitong espiritu na nasa harapan ng kanyang trono; at mula kay Jesu-Cristo na siyang saksing tapat, ang panganay mula sa mga patay, at ang pinuno ng mga hari sa lupa. Doon sa umiibig sa atin, at sa nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo” (vv. 4, 5).

 

          Ang pagbati ay nagmula sa tatlong persona ng Trinidad, ang Ama, ang Espiritu Santo, at ang Anak. 

 

          Sinimulan ng Trinidad ang pagbati sa pamamagitan ng paghahayag ng biyaya at kapayapaan sa iglesiya. Ang biyaya at kapayapaan ay karaniwang ginagamit na pagbati ng mga apostol. Ang mga salitang biyaya at kapayapaan ay ibinubuod ang pamaraan at layunin ng pagliligtas ng Diyos. Ang biyaya ay ang pabor na ipinagkakaloob sa mga hindi karapat-dapat. Ang biyaya ang pamaraan ng Diyos sa pagkakaloob ng kapayapaan.

 

          Sa ating natural na kalagayan, ang Diyos ay napopoot sa atin. Tayong lahat ay anak sa pagsuway, at ang ating Ama ay ang diyablo. Pero sa pamamagitan ng dugo ni Cristo-Jesus, at pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ang ating kalagayan ay nabago. Tayo ngayon ay pinakikitunguhan ng Diyos sa kanyang biyaya at ayon sa merito ng kanyang Anak, si Cristo Jesus. At dahil sa dugo ng kanyang Anak ang kanyang pagkapoot sa atin ay natanggal at ipinagkaloob sa atin ang pakikipagkasundo sa pamamagitan ng tipan ng dugo. Kung kaya’t ang bawat isa na tinubos ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus ay mayroon ng kapayapaan sa Diyos sa kanilang mga puso at isipan kay Cristo Jesus.

 

          Ang Diyos na nagkaloob ng biyaya at kapayapaan ay ang tanging Diyos na makakatugon sa pangangailangan ng pitong iglesiya at ang bawat isa na nakakaranas ng kaguluhan sa buhay.

 

          Ang pagbati ay nagmula sa bawat persona ng Trinidad. Ang una nating nabasa ay ang pagbati ay nagmula sa magpawalang-hanggang Ama – “Biyaya ang sumainyo at kapayapaan angmula sa kanya na siyang ngayon, ang nakaraan at ang darating.” Ang mga pananalitang ito ay pinapatungkulan ang mga pananalita ng Diyos kay Moises sa harapan ng nagliliyab na punungkahoy. Tinanong ni Moises ang pangalan ng Diyos, at ang inabi ng Diyos sa kanya ay, “AKO AY ANG AKO NGA” (Ex. 3:13,14). At kanyang idinagdag na – Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘sinugo ako sa inyo ni AKO NGA’. Si Juan ay nirerepresenta ang Diyos na ang pangalan ay AKO NGA. Ang Diyos na ito ay hindi nakadepende sa kaninuman para sa kanyang buhay, kundi siya ay may buhay ayon sa kanyang sariling kapangyarihan. Ang Diyos na ito ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay, hindi lamang sa kasalukuyan, pati na rin sa nakalipas at hinaharap. Siya ang Diyos na mula sa walang-hanggan hanggang sa walang hanggan (Awit 90:2). Ang Diyos na hindi nagbabago (Mal. 3:6). Ito ang Diyos na nakipag-tipan sa atin sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.

 

          Sa pamamagitan ng pagbating ito, pinapaalalahanan ng Diyos ang mga mananampalataya na sinusulatan ni Juan na ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kontrol, at otoridad ng Diyos. Na kahit na sila ay humaharap sa matinding mga pagsubok at kapighatian na dulot ng mga makalupang otoridad, ang Diyos pa rin ang naghahari at siya ang nagtatalaga ng lahat ng bagay para sa kabutihan ng lahat ng anak niya at para sa kanyang kaluwalhatian. Ang soberenya ng Diyos ay napakahalaga sa mensahe ng aklat ng Apocalipsis dahil sa pamamagitan nito ay ipinahayag na ang Diyos kung ano ang mangyayari sa kasaysayan ng mundo. Kung kaya’t bagama’t ang mga mananampalataya ay tinatakot, kinokontra, at pinahihirapan ng mga nakaluklok sa kapangyarihan, sila ay may kagalakan dahil alam nila ang katotohanan na ang kanilang magpawalang-hanggang Diyos ang may kontrol sa lahat ng bagay at ng kasaysayan.

 

          Sumunod na binanggit na bumati ay ang Espiritu Santo. “Biyaya ang sumainyo at kapayapaan mula sa pitong espiritu na nasa harapan ng kanyang trono.” May mga komentarista na nagsasabing ang pitong espiritu ay ang pitong anghel na isinusugo upang isagawa ang kalooban ng Diyos.

 

          Ang pitong espiritu ay ang Espiritu Santo. Maaring pinapatungkulan ni Juan ang pitong aspeto ng Espiritu na ipinahayag ni Isaias na mananahan sa Mesias, at ito ay ang mga sumusunod: espiritu ng PANGINOON, ang diwa ng karunungan, ng unawa, ng payo, ng kapangyarihan, ng kaalaman, at ang takot sa PANGINOON.

 

Kagaya ng aking sinabi kanina, ang numerong pito ay representasyon ng kabuuan. Kaya’t malamang na ang pagtukoy ni Juan sa Espiritu Santo na pitong espiritu ay pagpapatungkol sa ipinahayag sa Zacarias 4:2-9 , na kung saan ang pitong lampara ay representasyon ng Espiritu na nagdadala ng biyaya para sa pagtatatag ng templo. Ang Banal na Espiritu ang nagbibigay ng kapangyarihan sa mga mananampalataya upang sila ay maging templo na kung saan ang Diyos ay nanahan.

 

           Ang Kasulatan ay itinuturo na ang Banal na Espiritu ang isinusugo mula sa trono ng Diyos upang ilapat ang biyaya at kapayapaan sa mga mananampalataya. Dahil ito ay sakdal at sapat para sa ministeryong ito, ang Banal na Espiritu ay may kakayanan na pagkalooban ng kapangyarihan ang mga mananampalataya na magtagumpay sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. Ang pitong Espiritu ang nagkakaloob ng kapangyarihan sa iglesiya ni Jesus na magsilbing ilaw nang ebanghelyo sa sanlibutang ito.

 

          Kaya’t kung tayo ay tunay na mananampalataya, ipinagkaloob ng Diyos ang kanyang sarili sa atin kay Cristo Jesus at inilagay niya ang Espiritu Santo sa atin. Ang larawang ito ng mga Kristiyano ay kahalintulad noong ipinahayag sa Apocalipsis 22:1 – “At ipinakita sa akin ng anghel ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning ng gaya ng kristal, na lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng kordero. Nakita ni Juan ang Espiritu na ilog ng buhay na dumadaloy mula sa ilalim ng trono ng Diyos para sa pagpapagaling sa mga bansa”(v. 2). Ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa iglesiya at sa puso ng bawat mananampalataya na kagaya ng ilog na dumadaloy mula sa trono ng Diyos. Ang kaluwalhatian ng pagiging Krisityano ay, nasa kanila ang ilog ng buhay na dumadaloy sa pamamagitan nila at patuloy na tinatangay papalayo sa kanila ang kanilang mga kasalanan.

 

          Pangatlo, ang pagbati ay mula kay Jesu-Cristo na siyang saksing tapat, ang panganay mula sa mga patay, at pinuno ng mga hari. Ang tatlong paglalarawan kay Jesus ay katumbas ng tatlong gawain ni Jesus: Propeta, Pari at Hari.

 

          Una, siya tinawag na saksing tapat. Ang ibig sabihin nito ay ipinahayag ni Jesus ng may kasakdalan ang Diyos at ang kanyang pagliligtas sa madilim na mundong ito. Dahil siya ay nagmula sa sankalangitan na kung saan ay mayroon siyang pakikisama sa Ama, si Jesus ay may kakayanan na ipakilala siya. Kung kaya’t ipinahayag ng Diyos na – “Walang sinumang nakakakilala kailanman sa Diyos. Ang Diyos na tanging Anak na nasa kandungan ng Ama ang nagpakilala sa kanya” (Juan 1:18). At ipinahayag ni Jesus na – “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, kami ay nagsasalita tungkol sa nalalaman naming, at nagpapatotoo sa nakita naming, subalit hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo” (Juan 3:11). Ang manunulat ng Hebreo ay ipinahayag na – “subalit sa mga huling araw na ito ay nagslaita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak, na kanyang itinalagang tagapagmana ng lahat ng bagay, na sa pamamagitan din niya’y ginawa ang mga sanlibutan.”

 

          Ipinahayag ang sakdal na kabanalan ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang sakdal na pamumuhay, ang katalinuhan ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo, ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at kababalaghan na kanyang ginawa. Pero, pinatotohanan niya ang biyaya at kapayapaan ng Diyos na kailangan ng mga makasalanan sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay ipinahayag niya kung gaano kasama ang ating kasalanan; na kailangang magkatawang tao ang Anak ng Diyos at mamatay sa krus upang ang kapatawaran ng Diyos ay matanggap natin. At ang kapatawarang ito ay natanggap natin sa pamamagitan pananampalataya sa ebanghelyo ng Anak. At dahil dito, tayo ay nagkaroon ng kapayapaan sa Diyos.

 

          Ayon kay Joel Beeke, ang salitang saksi ay kahalintulad ng salitang martir. Ang mga mananampalataya na nakakaranas ng pagpapahirap at pagpatay ay dumaraan sa kaparehas na daan na nilakaran ni Jesus. Kung kaya’t ang sinasabi ng Diyos sa kanyang mga hinirang ay sundin ninyo ang halimbawa ng inyong Panginoon Jesus na hindi inalintana ang hirap at kamatayan masunod lamang ang kalooban ng Ama. Ang pinakamatinding tukso na kinakaharap ng mga mananampalatayang nakakaranas ng hirap, sakit, pighati, at pagdurusa ay ang mawalan ng pag-asa at hindi na maging tapat. Ang kasaysayan ang nagtuturo na ito nga ang nangyari sa mga mananampalataya sa panahon ni Juan. Kung kaya’t ipinahayag ng Diyos ang kanyang Anak na tapat na saksi na hindi lumihis ng landas sa harap ng nakakahiyang kamatayan sa krus.

 

          Tinawag ni Juan si Jesus na panganay mula sa mga patay at ang pinuno ng mga hari sa lupa. Ito ay maliwanag na pagpapatungkol sa ipinahayag ng Diyos sa Mga Awit 89:27, 37 na kung saan ang mga pananalitang ito ay ginamit. Ang Mang-aawit ay nagsalita tungkol sa hari na siyang maghahari sa kanyang kaaway at ang kanyang binhi ay mananatili sa trono magpakailanman.

 

          Ang panganay sa Awit 89 ay ginawang panganay mula sa mga patay dito sa Apocalipsis. Sa pamamagitan ng pananalitang ito ay ipinapahayag na si Jesus ay nakatanggap ng pinakamataas na katungkulan sa buong sannilikha. Hindi ibig sabihin nito na siya ang pinakaunang nilikha o siya ang pinanggalingan ng sannilikha, kundi siya ang pasimula ng bagong paglilikha sa pamamagitan ng kanyang pagkabuhay na muli. Naniniwala si Juan na si Jesus ay ang binhi ni David , na ang kanyang pagkabuhay na muli ay nagresulta sa pagkakatatag ng kanyang magpawalang-hanggang kaharian.

 

          Ang kanyang pagiging panganay mula sa mga patay ay garantiya na ang lahat ng kasapi sa kanya sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay na muli at makakasama niya sa kaluwalhatian.

 

          Sa pamamagitan ng kanyang pagkabuhay na muli ay ipinagkakaloob niya ang biyaya at kapayapaan sa lahat ng sumasampalataya sa kanya. Sa kanyang pag-upo sa kanang kamay ng Ama sa sankalangitan, ang lahat ng mananampalataya ay pinagkakalooban ng kasiguraduhan na mayroon silang Pinaka-punong Pari na patuloy na namamagitan para sa kanila at upang ang biyaya ng Diyos na kanilang kinakailangan upang mapagtagumpayan, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus, nila ang  iba-ibang hamon sa kanilang buhay ay patuloy na dumaloy sa kanila at sa pamamagitan nila.

 

          Inilarawan din ni Juan si Jesus na Hari ng mga hari sa lupa. Ito ang katuparan ng pangako na ipinahayag sa Mga Awit 89 na gagawin ang Mesias na pinakamataas na hari sa mga hari sa lupa.

 

Hindi ba isang kaaliwan at pagpapala para sa atin na malaman na ang ating Panginoong Jesus ang siyang tunay na may kapangyarihan sa kasaysayan?

 

          Ang mga hari na tinutukoy dito ni Juan ay hindi ang mga kabilang sa kaharian ng Diyos, kundi ang mga hari na lumalaban sa pamamahala ni Jesus. Hindi lamang ang mga kaharian at mga tao na nire-representa ng mga haring tinutukoy dito ni Juan, kasama din dito ang kapangyarihan na nasa likuran ng mga haring ito, ang puwersa ni Satanas. Ang katotohanan na si Cristo ang siyang namamahala sa mga haring ito ay ipinapakita sa atin na ang mga pangitain na ipinapahayag dito sa Apocalipsis ay tinutukoy ang mga nangyayari sa kasalukuyan, at hindi lamang ang mga mangyayari sa hinaharap bago ang pagdating ng ating Panginoon.

 

          Ang pagbating ito ng tatlong persona ng Trinidad ay isang kaaliwan para kay Juan, para sa mga iglesiya sa Asya, sa iglesiya sa lahat ng panahon at sa bawat mananampalataya. Ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang kanyang pagpapala. Ang bawat persona ng Trinidad ay kumikilos para sa kaligtasan ng mga mananampalataya na pinili bago pa man itatag ang sanlibutan para sa buhay na walang hanggan.

 

          Napansin ba ninyo na ang pagkakaayos ng tatlong persona ng Trinidad dito ay iba sa karaniwang pagkakasunod nila sa ibang parte ng Kasulatan. Ang karaniwang pagkakasunod nila ay Ama, Anak, at Espiritu Santo. Pero dito ay Ama, Espiritu Santo, at Anak. Bakit kaya ganito ang ginawang pagkakasunod ng tatlong Persona ng Trinidad sa mga talatang ito?

 

          Ang rason dito ay, sa aklat na ito ay marami tayong mababasa na mga bagay na matatagpuan sa templo o tabernakulo ng Diyos, kagaya ng ilawan, mangkok, dambana, insenso, at apoy. Dito sa Apocalipsis ay inilarawan ang Diyos na naninirahan sa kanyang templo sa sangkalangitan. Ipinakita kay Juan ang katulad ng ipinakitang pangitain kay Isaias na nakita niya ang Diyos na nakaupo sa isang tronong matayog at mataas, at napuno ang templo ng laylayan ng kanyang damit (Isa. 6:1).

 

          Kapag babalikan ninyo ang larawan ng templo sa Lumang Tipan, makikita ninyo na may lugar ng kabanal-banalan na kung saan ay nandoroon ang kaban ng tipan. Sa labas ng kabanal-banalang lugar ay ang pitong ilawan, na representasyon ng Espiritu Santo. Pagkatapos noong ilawan ay ang dambana para sa sinusunog na alay, na simbolo ng kamatayan ng Tagapagligtas.Kung kaya’y ang biyaya at kapayapaan ay mula sa kanya na siyang ngayon, ang nakaraan at ang darating; at mula sa pitong espiritu na nasa harapan ng kanyang trono; at mula kay Jesu-Cristo. Dito ay ipinahayag sa atin na ang Diyos ay Diyos ng kaligtasan, ang Diyos ng tipan, at ang Diyos na nakatuon at tapat para sa ating kaligtasan.

 

Sa pamamagitan ng pananamapalataya kay Jesus tayo ay nakasama sa pagsasama ng tatlong persona ng Trinidad. We have fellowship not only with the Son, but also with the Father and the Holy Spirit.

 

 

ANG RESULTA NG GAWAIN NG TRINIDAD

 

          Bilang resultang ng kanyang pagmumuni-muni sa ginawang pagsasakatuparan ng propesiya ni Jesus sa Mga Awit 89, si Juan ay hindi napigilang papurihan si Jesus sa pamamagitan ng mga pananalitang – “Doon sa umiibig sa atin, at sa nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo; at ginawa niya tayong kaharian, mga par isa kanyang Diyos at Ama; sumakanya ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailanman” (vv.5,6).

 

          Dahil sa kanyang kamatayan sa krus, ang lahat ng mananampalataya ay ginawang kaharian at pari na maglillingkod sa Diyos. Dahil ang mga mananampalataya ay kasama ni Jesus  na namatay, at nabuhay na muli, sila rin ngayon ay kasama niya sa kanyang paghahari. Sila ay ginawang hari na kasama ni Cristo at sila ay nakikisama sa kanyang pagganap sa kanyang tungkulin bilang pari dahil sa kanilang pakikisama sa kanyang pagkabuhay na muli.

 

          Ang mga pananalitang ito sa talata 6 ay pinapatungkulan ang ipinahayag sa Exodo 19:6 na kung saan sinabing – “Sa akin kayo ay magiging isang kaharian ng mga pari at isang banal na bansa.” Pansinin ninyo ang pagbabago ng tense. Dito sa Exodo ang tense ay panghinaharap, pero sa Apocalipsis 1:6 ang tense ay pangkasalukuyan. Ang propesiya na papel na gagampanan ng Israel ay ipinapahayag ni Juan na ginaganap na ng iglesiya.

 

          Ang pananalita sa Exodo 19:6 ay ang buod ng layunin ng Diyos para sa Israel. Ang ibig sabihin nito ay ang bayan ng Israel ay dapat na maging mga hari at pari na nagpapahayag ng pagliligtas ni Yahweh sa mga Hentil. Ito ang layunin na isinagawa ng mga propeta, pero hindi nagawa ng bansang Israel.

 

          Isinagawa ni Jesus ang layuning ito ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang ginawang pagsunod sa kalooban ng Diyos at sa kanyang kamatayan sa krus. Ipinahayag niya sa sanlibutan sa pamamagitan ng krus ang pagliligtas ng Diyos. Isinagawa rin niya ang kanyang papel bilang pari sa pamamagitan ng kanyang pagtatagumpay na espirituwal laban sa kasalanan, kamatayan at kay Satanas. Ang mga mananampalataya ay hindi lamang inilipat ng Diyos mula sa kadiliman patungo sa kaharian ni Jesus. Kanila na ring isinasakatuparan ang kanilang pagiging hari at pari sa kaharian ng Diyos, na sa pamamagitan ng malaya at malinis na konsensya ay nilalabanan nila ang kasalanan at si Satanas sa buhay na ito (Q & A 32, HC) at sa tapat na pagpapahayag sa pangalan ni Jesus at kagustuhang magdusa para kay Cristo. Sa pamamagitan ng mga ito ay kanilang ginagapi ang estratihiya ng kaaway, at bagama’t para silang nagagapi sa mata ng mundong ito, sila ay nagpapatuloy sa kanilang pamamahala sa kaharian, na kagaya ng ginawa ni Cristo sa krus.

 

          Kagaya ng mga pari sa Lumang Tipan, tayong mga mananampalataya ay may kalayaan ng lumapit sa presensya ng Diyos dahil tinanggal na ni Jesus ang kasalanan na humahadlang sa pagitan ng Diyos at tao sa pamamagitan ng kanyang dugo na kanyang ibinuhos sa krus ng kalbaryo.

 

Dahil ang lahat ng manamampalataya ay kasapi ni Cristo at kasali sa pagkapuspos ng Banal na Espiritu, sila na ngayon ang nagsisilbing ilaw ng presensya ng Diyos sa sanlibutang ito. Dahil ang Exodo 19:6 ay natupad sa iglesiya, ang iglesiya ang pagpapatuloy ng tunay na Israel na siyang tagapagmana ng lahat ng pangako at tunay na bayan ng Diyos. Ito rin ang nagsisilbing ilaw ng Diyos sa sanlibutang ito.

 

PAGTATAPOS

 

          Sariwain natin ang ating ipinahayag sa ating Katesismong Heidelberg sa tanong at sagot 32 –

 

 32. Subalit bakit ka naman tinatawag na  Cristiano?

 

SSapagkat ako’y kasapi ni Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya,7 at magkagayon ako’y kasali sa Kanyang pagkapuspos ng Banal na Espiritu; upang aking maipahayag ang Kanyang pangalan, at italaga ko ang aking sarili ng may pasasalamat sa Kanya bilang buhay na handog; at saka sa pamamagitan ng malaya at malinis na konsiyensiya ay malabanan ko ang kasalanan at si Satanas sa buhay na ito, at pagkatapos ay magharing walang katapusan sa lahat ng nilalang na kasama Niya

 

          Bilang mga tinawag na mga taga-sunod ni Cristo, ang ating ipinahayag sa tanong at sagot 32 ay siyang inaasahan at hiniling ng Diyos sa atin. Luwalhatiin ninyo ang Diyos, isagawa ninyo ng buong katapatan ang inyong pagkatawag. Amen.

 


[1] James B. Ramsel, Revelation, cited by Richard D. Philips in Revelation, Reformed Expository Commentary, p. 19

 
 
 

Comments


Address

San Carlos City, Philippines, Old Binalatongan Road, Baldog 2420

Contact

Church Schedule

Sunday

9:00am - 12pm

Wednesday

6:00pm - 8:30pm

bottom of page