ANG PANGITAIN NI CRISTO BILANG HARI, PARI AT HUKOM
- Ptr. Rafael T. Martinez
- Mar 9
- 17 min read
Updated: Mar 10
TEXT: Apoc. 1:9-20
INTRODUCTION: Noong nakaraang pangangaral ay ipinahayag sa atin na ang mga mananampalataya ay ginawang hari sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus sa krus at kanilang isasagawa ang kanilang pagiging hari sa kapighatian at pagtitiis. Ang kapighatian at pagtitiis ang nararanasan ni apostol Juan at ng mga sinusulatan niyang mga iglesiya sa panahon na ang unang pangitain na isinulat dito sa Apocalipsis ay ipinahayag kay Juan. Ang sabi ng Espiritu Santo ay – “Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis alang-alang kay Jesus ay nasa pulo ng Patmos, dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesus” (v.9). Upang ang puso ni Juan at ang mga mananampalataya sa kanyang panahon ay hindi manghina dahil sa mga kapighatian at nakikitang nilang tila pamamayagpag ng masasamang mga pinuno sa kanilang lipunan, ang ating Panginoong Jesus, sa kanyang awa at biyaya, ay ipinagkaloob kay Juan at sa mga iglesiya at sa lahat ng mananampalataya sa lahat ng panahon kung ano ang totoong nangyayari at kung sino ang tunay na may kontrol sa lahat ng mga nangyayari sa iglesiya at sa sanlibutan.
Sa umagang ito ating matutunghayan ang temang: Si Juan ay inatasan bilang propeta na sumulat sa mga iglesiya dahil ang kanilang pagtitiwala ay nakabase sa makalangit na katayuan ni Cristo bilang pari, hari, at hukom na resulta ng kanyang pagtatagumpay sa kamatayan.
Ang temang ito ang ating matutunghayan sa mga susunod pang pangangaral sa mga talatang ito.
Pag-aaralan natin ang temang ito sa pamamagitan ng tatlong punto: (1) ang pag-atas kay Juan bilang propeta, (2) si Cristo bilang pari, pinuno, at hukom, at (3) si Cristo ang ebanghelyo.
SI JUAN AY INATASANG PROPETA
Sinimulan ni Juan ang pag-atas sa kanya bilang propeta sa pamamagitan ng mga pananalitang: “Ako’y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang malakas na tinig na tulad sa isang trumpeta” (v.10).
Ang pananalita na ginamit ni Juan ay kahalintulad ng mga pananalitang ginamit ni propetang Ezekiel sa kanyang pagkatawag. Sa Ezekiel 2:2; 3:12,14, 24 ay ganito ang mga pananalitang ginamit – “nang siya’y magsalita sa akin, ang Espiritu ay pumasok sa akin at itinayo niya ako sa aking paa. At narinig ko siya na nagsasalita.” “Nang magkagayo’y itinaas ako ng Espiritu, aking narinig sa likuran ko ang tunog ng malakas na ugong na sinasabi, Purihin ang kaluwalhatian ng PANGINOON mula sa kanyang dako…Itinaas ako ako ng Espiritu at ako’y dinala palayo; ako’y humayong nagdaramdam na nag-iinit ang aking diwa, at ang kamay ng PANGINOON ay naging malakas sa akin.. At pumasok sa akin ang Espiritu, at itinayo ako sa aking mga paa. Siya’y nakpag-usap sa akin, at nagsabi sa akin, ‘Umalis ka, magkulong ka sa loob ng iyong bahay.” Ang kanyang narinig na tinig na tulad ng isang trumpeta ay katulad din noong narinig ni Moises Exodo 19:16-20 – “Sa umaga ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may isang makapal na ulap sa ibabaw ng bundok, at ang tunog ng trumpeta ay napakalakas; at ang buong bayan na nasa kampo ay nanginig.Inilabas ni Moises ang bayan sa kampo upang katagpuin ang Diyos; at sila'y tumayo sa paanan ng bundok. Ang buong bundok ng Sinai ay nabalot sa usok, sapagkat ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw niyon na nasa apoy; at ang usok niyon ay pumailanglang na parang usok ng isang hurno, at nayanig nang malakas ang buong bundok.Nang papalakas nang papalakas ang tunog ng trumpeta ay nagsalita si Moises, at sinagot siya ng Diyos sa pamamagitan ng kulog. Ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw ng bundok ng Sinai, sa taluktok ng bundok; at tinawag ng Panginoon si Moises sa taluktok ng bundok; at si Moises ay umakyat.”
.
Ang mga pananalitang ginamit ni Juan ay nagpapahayag na ang kanyang pagkatawag ay nasa antas ng mga propeta sa Lumang Tipan. Ito ay pinagtibay pa ng utos sa kanya na isulat sa isang aklat ang kanyang nakikita (v. 11) na katulad ng utos kay Moises sa Exodo 17:4; kay Isaias sa Isaias 30:8, at kay Jeremias sa Jeremias 36:2. Sa mga utos na ito sa mga propeta, ang ipinasusulat sa kanila ay tungkol sa paghahatol, kung kaya’t ang ipinasusulat kay Juan sa aklat ay may kinalaman din sa paghahatol.
Noong sinabi ni Juan na siya ay nasa Espiritu, siya ay nasa kalagayan na para siyang nangangarap. Ang kanyang naranasan ay katulad noong naranasan ni apostol Pedro sa Gawa 10:10-13, na kung saan si Pedro ay nawalan ng malay at pagkatapos ay nakita niyang bumukas ang langit at may nakita siyang bumababa at may narinig din siyang tinig. Ang ganitong espirituwal na karanasan ay hindi para sa lahat ng mga mananampalataya, ito ay ipinagkaloob lamang ng Diyos sa mga mensahero na Kanyang itinalaga upang magsulat ng kanyang salita, na ngayon ay kumpleto na.
Ang pagkatawag ni Juan ay hindi para sa bawat isang kristiyano. Si Juan ay tinawag upang isulat ang huling aklat ng Kasulatan. Pero lahat ng kristiyano ay tinawag at ang Diyos ay may inihandang daan na lalakaran ng bawat isa sa atin. Kagaya ng sinabi ni F.B. Meyer na –“From the foot of the cross , where we are cradled in our second birth, to the brink of the river, where we lay down our armor, there is a path which he has prepared for us to walk in.”[1]
Maaring hanggang ngayon ay iniisip niyo pa kung ano ang plano ng Diyos para sa inyo. Maraming mga kristiyano ang naghahangad na malaman kung ano ang pagkatawag sa kanila ng Diyos. Kung kayo ay hindi pa sigurado, may dalawang bagay na puwede ninyong gawin.
Una, gawin na ninyo ang lahat ng bagay na alam na ninyo na gustong ipagawa sa inyo ng Diyos. Hindi ninyo puwedeng sabihin na kayo ay handa para sa pagtawag ng Diyos o makikilala ang pagtawag ng Diyos, malibang kayo ay sumusunod sa mga ipinahayag na niya sa inyo. Kasama dito ang mga malilinaw na mga bagay kagaya ng paglalaan ng oras para sa pagbabasa ng Biblia, pananalangin, paglilingkod sa inyong mga kasambahay o miyembro ng inyong pamilya, pagiging aktibo sa pagsamba sa araw ng Panginoon, pagdalo sa mga pagtitipon sa iglesiya kagaya ng Bible Study, women’s fellowship o youth fellowship, at ang pagiging saksi ng Diyos sa sanlibutan.
At pangalawa, hilingin ninyo sa Diyos na ipinahayag niya sa inyo ang kanyang plano para sa inyong mga buhay. Kung kayo ay hihiling, siya ay nangako na – “Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat at iyon ay ibibigay sa kanya”(Santiago 1:5).
SI Juan ay nasa Espiritu sa araw ng Panginoon. Dito unang binanggit sa Kasulatan ang pananalitang “araw ng Panginoon”. Sa Bagong Tipan, ang pagtitipon ng mga Kristiyano ay ipinahayag na ginagawa sa unang araw ng linggo. Sa unang araw ng linggo nabuhay na muli ang Panginoong Jesus at sa araw ding iyon niya kinatagpo ang kanyang mga alagad. Sa tuwing ang mga hinirang ay kinakatagpo ng Diyos, ito ay isang pagsamba.
Ang unang araw ng linggo ang naging araw ng pagtitipon ng mga mananampalataya sa Bagong Tipan upang alalahanin ang pagkabuhay na muli ni Jesus (Gawa 20:7; 1 Cor. 16:2). Ang isa sa mga naunang mga church fathers na si Clement of Alexandria ay nagsulat na: “A true Christian, according to the commands of the Gospel, observes the Lord’s Day by casting out all bad thoughts, and cherishing all goodness, honoring the resurrection of the Lord, which took place on that day.”[2]
Maaring si Juan sa oras na iyon ay nakatitig sa hilaga, na kung saan ang kanyang iglesiya sa Efeso ay sumasamba. Siguro ay ipinapanalangin niya ang kanilang pagsamba noong narinig niya ang tinig na tulad sa isang trumpeta.
Kagaya ng aking sinabi noong nakaraan, sa kabila ng kapighatiang kanyang nararanasan, si Juan ay hindi nakakalimutang sumamba sa araw ng Panginoon. Sa pamamagitan ni Juan ay ipinapahayag sa atin kung gaano kahalaga para sa isang tinubos at ginawang hari sa kaharian ng Diyos ang araw ng Panginoon. Sa araw na ito natanggap ni Juan ang maluwalhating kapahayagan ng ating Panginoong Jesus. Sa araw ng Panginoon, ang bawat isang mananampalataya na masikap dumadalo ay kinakatagpo ng Diyos at ipinapahayag ang kaluwalhatian ng kanyang Anak sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo. Kung ganito ang nangyayari sa araw ng Panginoon, mas gugustuhin pa ba ninyo na pumunta sa ibang lugar kaysa sa lugar ng panambahan? Would you rather miss the privilege of being in the presence of God and be with the world and do the things of the world on the Lord’s Day? Ang sagot ninyo sa tanong na ito ay may kinalaman kung kanino nakatuon ang inyong puso.
SI CRISTO BILANG HARI, PARI AT HUKOM
Ang aklat na ini-utos na isulat ni apostol Juan ay ipapadala niya sa pitong iglesiya, sa Efeso, sa Smirna, sa Pergamo, sa Tiatira, sa Sardin, sa Filadelfia, at sa Laodicea. Hindi sinabi kong bakit ang mga simbahang ito ang pinili na pagpapadalhan nitong aklat ng Apocalipsis. Marahil ang mga simbahang ito ang mga naunang naitatag sa Asia minor. Pero malinaw dito sa Apocalipsis ang kahalagahan ng bilang na pito, na ito ay kumpletong bilang. Kung kaya’t ang pitong iglesiyang binanggit ay representasyon ng buong iglesiya noon at ngayon.
Noong narinig ni Juan ang isang tinig na tulad ng trumpeta, siya’y lumingon upang kanyang makita kung kanino ang tinig at sa kanyang paglingon ay nakita niya ang pitong ilawan at sa gitna ng ilawan ay may nakita siya – “Ako'y lumingon upang makita kung kanino ang tinig na nagsasalita sa akin. At sa aking paglingon, nakita ko ang pitong gintong ilawan,at sa gitna ng mga ilawan ay may isang katulad ng isang Anak ng Tao, na may suot na damit na hanggang sa paa, at may gintong bigkis sa kanyang dibdib.At ang kanyang ulo at ang kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibo ng tupa, gaya ng niebe; at ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; at ang kanyang mga paa ay katulad ng tansong pinakintab, na parang dinalisay sa isang pugon; at ang kanyang tinig ay gaya ng ingay ng maraming tubig. Sa kanyang kanang kamay ay may pitong bituin at mula sa kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim, at ang kanyang mukha ay gaya ng araw na matinding sumisikat.” (Apoc. 1:12-16).
Ang pangitain tungkol sa pitong ilawan at pitong bituin ay pag-aaralan natin sa susunod na pangangaral. Itutuon muna natin ang ating pansin sa sentro ng pangitain, ang Anak ng Tao.
Sa pamamagitan ng pangitaing ito ay ipinahayag ni Jesus kay Juan sa iglesiya kung sino siya. Siya ang pinuno, pari, at hukom.
Una, ang pagiging Pinuno O Hari. Nauna ng ipinahayag ni Juan sa talata 5 na si Jesus ang pinuno ng mga hari sa lupa. Dito sa mga talatang ating pinag-aaralan sa umagang ito, ang sabi ni Juan ay – “at sa gitna ilawan ay may isang katulad ng isang Anak ng Tao..” Ang Anak ng Tao ay ang paboritong pantawag ni Jesus sa kanyang sarili. Ayon kay Joel Beeke, itong pantawag na ito ay ginamit sa Bagong Tipan ng 81 beses. May mga komentarista sa Biblia na nagsasabi na kapag ginagamit ni Jesus ang pantawag na Anak ng Diyos ay ipinapahayag niya ang kanyang pagka-diyos, at ang Anak ng Tao ay ipinapahayag niya ang kanyang pagiging tao. Ito po ay isang kamalian! Sa salasay tungkol sa pagdinig bago ang pagpapako kay Jesus, makikita natin na noong ipinakilala ni Jesus ang kanyang sarili na Anak ng Tao, ang naging tugon ng Pinaka-punong pari ay nakakmangha. Noong marinig noong pinaka-punong pari ang pananalita ni Jesus ay pinunit ang kanyang damit at nagtanong ng: Ano pang kailangang mga saksi? Narinig ninyo ang kanyang paglapastangan! Ano ang inyong pasya? At hinatulan nilang lahat na siya’y dapat na mamatay” (Marcos 14:63,64). Naiintindihan noong pinaka-punong pari na noong sinabi ni Jesus na siya ang Anak ng Tao ay ipinapahayag niya sa kanila na siya ang Anak ng Diyos. Kung kaya’t ipinahayag ni Jesus sa kanila na siya na Mesias, ang Cristo, ang Anak ng Diyos.
Ipinahayag ni Jesus ang kanyang sarili sa kanyang kaluwalhatian, kung kaya’t sinabi ni Juan na ang nakita niya ay “katulad ng Anak ng Tao.” Kilang-kilalang ni Juan si Jesus dahil nakasama niya si Jesus ng ilang taon. Ito rin ang Juan na nagsabi na nakita ang kanyang kaluwalhatian ni Jesus, kaluwalhatiang gaya ng sa tanging Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan(Juan 1:14). Pero dito sinabi niya na ang nakita niya ay katulad ng Anak ng Tao. Pamilyar ang kanyang nakita, pero may pagbabago. Ang Anak ng Tao na kanyang nakilala ay ipinahayag ang kanyang sarili kay Juan sa kanyang buong kaluwalhatian. Ito ang rason kung bakit sinabi ni Juan sa talata 17 na nang siya’y aking makita, ako’y parang patay na bumagsak sa kanyang paanan. Ito ang kaluwalhatian ni Jesus na nakita ni apostol Pablo sa daan sa Damascos na ikinabulag niya.
Ang pangitain na nakita ni Juan ay nanggaling sa propesiya ni Daniel. Sa Daniel 7:13-14 ay ganito ang ipinahayag – “Patuloy akong nakakita sa pangitain sa gabi, at narito,ang isang gaya ng Anak ng tao na dumarating kasama ng mga ulap.At siya'y lumapit sa Matanda sa mga Araw, at iniharap sa kanya.Binigyan siya ng kapangyarihan,kaluwalhatian, at kaharian,upang ang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika ay maglingkod sa kanya.Ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan na hindi lilipas,at ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak.” At sa Daniel 10:5-ay ganito ang ipinahayag – “aking itiningin ang aking paningin at tumanaw, at nakita ko ang isang lalaki na may suot ng telang lino, na ang mga balakang ay binigkisan ng ginto ng Uphaz. Ang kanyang katawan ay gaya ng berilo, ang kanyang mukha ay gaya ng anyo ng kidlat, ang kanyang mga mata ay gaya ng nagliliyab na sulo, ang kanyang mga kamay at mga paa ay gaya ng kislap ng pinakintab na tanso, at ang tunog ng kanyang mga salita ay gaya ng ingay ng napakaraming tao.”
Sa pamamagitan ng pangitain na ipinakita kay Juan, ipinapahayag ni Jesus na ang propesiya tungkol sa Anak ng Tao sa Daniel ay natupad na sa kanya. Nasa kanya na ang kapangyarihang walang-hanggang at ang kaharian na hindi mawawasak, at ang kaluwalhatian.
Ipinahahayag kay Juan at sa iglesiya na hindi si Domitian na nagdala sa kanya sa pagkabilanggo sa Patmos, at umuusig sa mga iglesiya at sinumang pinuno dito sa lupa ang hari, kundi ang Hari at ang nagpapangyari ng lahat ng bagay ay ang ating Panginoong Jesus.
Pangalawa, Ipinahayag din niya na siya ang dakila at pinaka-punong pari. Sinabi ni Juan na ang Anak ng Tao ay nasa gitna ng ilawan at nakasuot ng damit hanggang sa paa, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib.
Ipinapaalala sa atin sa pamamagitan ng kanyang kasuotan ang kausotan ng pinaka-punong pari sa Lumang Tipan. Sa Exodo 28:4,5 at Levitico 16:4 ay inilarawan ang kasuotan ng pinaka-punong pari ng ganito – “Siya'y magsusuot ng banal na kasuotang lino, at ng lino bilang kasuotang panloob kasunod ng kanyang katawan, at magbibigkis ng pamigkis na lino, at magsusuot ng turbanteng lino; ito ang mga kasuotang banal. Paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig at pagkatapos ay isusuot niya ang mga iyon.” At ang kanyang pagtayo sa gitna ng ilawan ay ang gawain ng pari sa templo sa pag-aasikaso sa gintong ilawan sa templo upang patuloy na magningas ang apoy nito.
Inilarawan si Jesus dito na Pinaka-punong Pari na nag-aayos sa pitong ilawan, na representasyon ng iglesiya, ang totoong templo ng Diyos. Isinasagawa niya ang kanyang gawain bilang Pinaka-punong Pari ng kanyang templo, ang iglesiya, sa pamamagitan ng pagwawasto at pangangaral na kagaya ng kanyang ipapakita sa kabanata 2 hanggang 3 dito sa Apocalipsis. Ito ay kapahayagan na si Jesus ay nasa kalagitnaan ng kanyang iglesiya at alam niya ang lahat ng nangyayari dito. Ang nakita ni Juan ay ang maluwalhati at marangal na Cristo na nasa langit at patuloy na nangangalaga at nagtataguyod sa kanyang iglesiya sa lupa upang ang liwanag nito ay patuloy na sumikat sa madilim na sanlibutang ito.
Ito ay isang kaaliwan para kay Juan na noon ay nasa pagkabilanggo sa Patmos at sa mga iglesiyang para sa kanila ang aklat ay isinulat na nakakaranas ng kapighatian. Bagama’t si Juan at ang iglesiya sa makalupang pananaw ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Domitian na pilit na pinapatay ang ilaw nito, si Juan at ang iglesiya ay kasama ni Cristo kung kaya’t walang makakapigil sa paglaganap ng ebanghelyo . Ito nga ang totoong nangyari sa kasaysayan. Totoo si Juan ay nakabilanggo sa Patmos pero siya ay dinala ng Espiritu sa sankalangitan upang tanggapin ang aklat ng Apocalipsis na kanyang ipapadala sa pitong iglesiya at sa lahat ng salinlahi ng mga hinirang ng Diyos.
Ang katotohanang ito ang dapat magbigay sa atin ng lakas ng loob ng ipagpatuloy na maging tapat sa pagsasagawa ng gawain ng Diyos lalo na ang pangangaral ng ebanghelyo dahil alam natin na ang ating Panginoong Jesus ang siyang magpapaningas ng ilaw ng iglesiya. Totoo, tayo ay kukutyain ng sanlibutan, tatawagin tayong mga narrow-minded people o di kaya ay mga bigots at pahihirapan tayo. Pero ang itinaas at malauwalhating Cristo ay nasa atin, mayroon ba tayong dapat na katakutan? Hindi ba dapat katulad ni Juan ay buong tapang nating ipapangaral ang mga katotohanan ng Diyos? Ang sagot ay natin ay OO dahil ang mahalaga ay hindi sa atin ay hindi ang kalooban ng sinuman, kundi ang kalooban ng ating Panginoong Jesus.
Pangatlo, si Jesus ay Hukom. Ito ang ipinapahayag ng mga pananalita ni Juan sa talata 14, 15, 16. Ang pananalitang ang kanyang mata ay gaya ng apoy ay ginamit din sa Apocalipsis 19:12 – “Ang kanyang mga mata ay tulad ng ningas ng apoy”, mga pananalita na inilalarawan si Jesus na Tagapaghatol. Dahil si Jesus ay laging nanahan sa kanyang iglesiya, alam niya lagi ang espirituwal na katayuan nito at ang resulta nito ay paghahatol o pagpapala. Ang pagiging Hukom ni Jesus ay mas pinagtitibay ng Daniel 10 dahil doon ang unang layunin noong lalaki na nakasuot ng telang lino ay upang ipahayag ang utos ng Diyos na ang mga nagpapahirap sa Israel ay tiyak na mahahatulan. Sa Daniel 10:6 ay inilarawan ang lalaki na may mata na gaya ng nagliliyab na sulo, at sa Daniel 10:16 ay kinilala ang lalaki na isa na kahawig ng anak ng tao. Amg sinasabi ni Juan dito ay nakikita lahat ni Jesus at walang anumang bagay ang puwedeng itago sa kanya. Alam niya kung ang iglesiya ay malapit ng maki-ayon sa sanlibutan at kung iniwan na nito ang kanyang unang pag-ibig, kung kaya’t siya ay dumarating sa kasaysayan upang balaan o hatulan ang kanyang iglesiya. Alam din niya ang ginagawa ng kanyang kaaway sa kanyang iglesiya, kung kaya’t siya rin ay dumarating sa paghahatol laban sa kanila at sa huling araw sila ay kanyang hahatulan kasama ang nasa likod ng mga masasama, si Satanas.
Ang Hukom na ito ay sakdal ang kabanalan at katuwiran. Ito ang ipinapahayag ng paglalarawang - ang kanyang mga paa ay katulad ng tansong pinakintab, na parang dinalisay sa isang pugon. Ang mga pananalitang ito ay paglalarawan ng kadalisayan at kasakdalan ni Jesus. Si Jesus ay dumarating sa kasaysayan at darating sa huling araw sa paghahatol ayon sa kanyang sakdal na katuwiran.
Ang kasakdalan sa kabanalan at katuwiran ang gustong gawing pundasyon ni Jesus para sa kanyang iglesiya. Ito nga ang rason kung bakit siya ay patuloy na dumarating sa kanyang iglesiya sa paghahatol upang gawin itong banal at makatuwiran.
Si Jesus ay humahatol gamit ang kanyang salita ang bilang isang mandirigma na pinapatay ang kaaway gamit ang tabak. . Ito ang ipinapahyag ng mga salitang: “at mula sa kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim, at ang kanyang mukha ay gaya ng araw na matinding sikat.”
Ang pananalitang: “at mula sa kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim” ay galing sa Isaias 11:4 – “Kundi sa katuwiran ay hahatulan niya ang dukha,at magpapasiya na may karampatan para sa maaamo sa lupa. Sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kanyang bibig,at sa hinga ng kanyang mga labi ay kanyang papatayin ang masama,” at 49:2 na kung saan sinabing – “Ang aking bibig ay ginawa niyang parang matalas na tabak,sa lilim ng kanyang kamay ay ikinubli niya ako;ginawa niya akong makinang na palaso,sa kanyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako.”
Ang dalawang talatang ito ay itinuturo si Cristo sa kanyang papel na Hukom. Sa pamamagitan ng kanyang tabak ay hahatulan niya ang kawalan ng pagsunod sa kanyang iglesiya at sanlibutan (19:15). At ang pananalitang: “at ang kanyang mukha ay gaya ng araw na matinding sikat” pagpapatungkol sa Hukom 5:31 na kung ang matagumpay na mandirigma ay sinabing sumikat sa kanyang kalakasan. Ang paglalarawan sa mandirigma sa Hukom ay ipinapalagay na itinuturo si Cristo na ideal end-time messianic savior.
Walang makakatayo sa harapan ng Hukom na ito dahil liban sa mga nabanggit ng paglalarawan, ito ay Diyos. Ito ang ipinakita kay Juan at ipinapakita sa atin ngayon sa pamamagitan ng mga pananalitang: “At ang kanyang ulo at ang kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibo ng tupa, gaya ng niebe.. at ang kanyang tinig ay gaya ng ingay ng maraming tubig.
Kanina ay sinabi ko na ang pangitain na ipinakita kay Juan ay hango sa Daniel 7 at 10. Ang mga salitang “ang kanyang ulo at ang kanyang buhok ay kinuha sa Daniel 7:9 na kung saan inilarawan ang Matanda sa mga araw, ang Diyos. At ang pananalitang: at ang kanyang tinig ay gaya ng ingay ng maraming tubig ay nanggaling sa pangitain tungkol sa makapangyarihang Diyos sa Ezekiel 1:24 – “Nang sila'y gumalaw, aking narinig ang pagaspas ng kanilang mga pakpak na parang ugong ng maraming tubig, parang tinig ng Makapangyarihan sa lahat, at ugong ng kaguluhan na gaya ng ingay ng isang hukbo. Kapag sila'y nakahinto, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak” at Ezekiel 43:2 - “At narito, ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nanggagaling sa dakong silangan. Ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at ang lupa ay nagningning sa kanyang kaluwalhatian.”
Sa pangitain ni Juan, inilapat ang katangian ng Ama; ng Makapangyarihang Diyos kay Cristo upang ipakita ang pagiging isa ng Ama at ang Anak. Kung kaya’t ang Cristo na nakita ni Juan ay walang iba kundi ang totoong Diyos. Ang tunay na Diyos mula sa tunay na Diyos!
Sino ang makakatayo sa harapan ng Hukom na ito? Siya ay dumarating sa kasaysayan sa paghahatol at darating sa huling araw upang hatulan ang mga buhay at mga patay. Ang Hukom na ito ay walang iba kundi ang bugtong na Anak ng Ama, si Cristo Jesus, ang maluwalhating Anak ng Tao na siyang Dakilang Pinaka-punong Pari ng kanyang bayan, ang Makapangyarihang Diyos at Hukom ng buong sanlibutan.
Ito ba ang kilala ninyong Jesus? Ito ba ang ipinapahayag ninyong Jesus at inilalarawan sa pulpito ng bawat iglesiya? Kung ang kilala ninyong Cristo ay iyong Cristo na nakadepende sa pagnanais ng tao para sa pagliligtas, at ang Cristo na puro pag-ibig at walang pagkapoot. Ang Cristo na kilala ninyo ay pekeng Cristo. Kilalanin ninyo at sampalatayanan ninyo ang tunay na Cristo – ang bugtong na Anak ng Ama, ang maluwalhating Anak ng Tao na siyang Dakilang Pinaka-punong Pari ng kanyang bayan, ang Makapangyarihang Diyos at Hukom ng buong sanlibutan.
SI CRISTO ANG EBANGHELYO
Mayroong isang salita na ibinubuod ang pagiging Hari, Pari, at Hukom ni Cristo, ito ay ang ebanghelyo. Ito ang kailangan ni Juan sa kanyang pagkakabilanggo: Ang maluwalhating Cristo at ang mabuting balita ng pagliligtas ni Cristo. Si Cristo bilang Hari ang siyang patuloy na lumulupig sa kanyang mga kaaway at nagtatanggol sa kanyang mga hinirang. Si Cristo bilang Pari ang nagkakasundo sa mga makasalanan sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang dugo, at siyang patuloy na nagbibigay ng lakas sa kanyang iglesiya upang ang liwanag nito ay sumikat sa sanlibutang ito. Si Cristo bilang Hukom ang humahatol sa pamamagitan ng kanyang tabak na may dalawang talim. Ito ang mabuting balita – ang mensahe ng pagliligtas ng Biblia na nakasentro sa persona at gawain ni Cristo. Ito ang kailangan ng bawat tao ngayon, para sa mga sumasampalataya na at hindi pa sumasampalataya.
May mga kilala akong mga tao na mula sa pagkabata hanggang bago tumuntong sa kolehiyo ay dumadalo kasama ang kanilang mga magulang sa pagsamba na noong sila ay nawalay na sa Kanilang mga magulang ay naging atheist o di kaya ay agnostic. Ang mga agnostic ay mga tao na hindi naniniwala na maaring malaman ng tao ang anumang bagay tungkol sa Diyos.
Ano nangyari sa mga taong ito? Ito ang nangyari sa mga taong ito. Sila ay tinuruan ng mga pagpapahalagang Krisityano o Christian values noong sila ay bata, pero hindi ipinangaral sa kanila ang ebanghelyo ni Cristo. Maaring narinig nila ang Cristo, pero ang Cristo na ipinahayag sa kanila ay hindi ang totoong Cristo na ipinapahayag ng Kasulatan. Maaring ang narinig nila ay ang romanticized Christ, na puro pag-ibig at ililigtas ang lahat ng tao sa sanlibutan.
Tandaan natin ito mga kapatid. Ang pagpapahalagang Kristiyano o Christian values ay iba kay Cristo mismo. Ang pagpapahalgang Krisityano ay hindi makapagliligtas, at hindi ito kailanman makapagliligtas. Mayroon akong narinig na nagsabing- “The road to hell is paved with good intentions.” Idadagdag ko ito: Ang impiyerno ay puno ng mga tao na ang puso ay nakatuon sa pagpapahalagang Kristiyano na hiwalay kay Cristo. Ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ni Cristo Jesus.
Ang sabi ni Richard D. Philips sa kanyang commentary sa aklat ng Apocalipsis tungkol dito ay ganito –
Like John on Patmos, what we need is not Christian values apart from Christ himself, anymore that we need a Christian social agenda, Christian lifestyle tips, or Christian worldview training unless our passion is the glorious, divine person of Christ and unless our hearts beat with conquering joy for his all-sufficient work.
Ang tanong ko ay, kilala na ba ninyo ang Jesus na nakita ni Juan sa kanyang pangitain? Napuno na ba ang inyong mga puso ng karilagan ni Cristo, kung kaya’t may pagnanais na kayo na mas makilala siya at paglingkuran siya? Kung ang sagot ninyo ay hindi, kilalalanin ninyo ang Cristo na nakita ni Juan, sumampalataya kayo sa Kanya at magsisisi kayo sa inyong mga kasalanan upang kayo ay makatanggap ng buhay na walang hanggang at maranasan ninyo ang magpawalang-hanggang pakikisama sa Diyos na may tatlong persona. Magtitiwala kayo sa awa at biyaya ni Cristo, ng sa gayon kayo ay makatanggap ng kapatawaran sa inyong mga kasalanan; ng buhay na walang hanggang; at makadulog kayo sa banal na presensya ng Matanda sa araw. Amen!
[1] Cited in The Commentary on the Book of Jeremiah by Philip Ryken
[2] Quoted in Thomas, Let’s Study Revelation, p. 11 and cited in Revelation by Richard D. Philips
Comments