ANG KABALINTUNAANG PAMUMUHAY NG KRISTIYANO
- Ptr. Rafael T. Martinez
- Mar 17
- 15 min read
TEXT: Apoc. 1:9-16
INTRODUCTION: Tayo ay nasa unang pangitain na ipinahayag ng Diyos kay apostol Juan sa aklat ng Apocalipsis. Dito ay inatasan ni Jesus si apostol Juan na isulat ang propesiyang ito.
Noong ako ay bata sa tuwing ako ay makapanood ng palabas sa TV tungkol sa buhay ng mga hari o makapagbasa tungkol dito, ang laging tumatatak sa aking isipan ay ang sarap ng buhay ng mga hari at ng kanilang pamilya dahil laging sagana at masasarap ang kanilang pagkain, magagara ang kanilang mga damit at marami silang ari-arian. Ang kasaganaang iyan ang tumatak sa aking isipan kung kaya’t malimit kapag ako ay nag-iisa lalo na kapag ako ay nasa itaas ng puno ng bayabas o santol ay nangangarap ako na ako ay anak ng hari. Ang pagiging hari o anak ng hari sa aking imahinasyon ay napakasarap na buhay at ito ay puno ng kasaganaan, walang sakit o problema. Ang aking kaisipan noong ako ay bata pa tungkol sa pagiging hari o anak ng hari ay naayon sa kaisipan ng sanlibutan at ito ay ibang-ibang sa kaisipan ng Diyos na kanyang ipinapahayag sa talata na ating pag-aaralan ngayong umaga.
Ang tema ng ating pag-aaral sa umagang ito ay: Ang paghahari ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng kapighatian at pagtitiis.
Pag-aaralan natin ang temang iyan sa pamamagitan ng dalawang punto: Una, ang paghahari ng mga mananampalataya, at pangalawa, ang kapighatian at pagtitiis ng mga mananampalataya.
ANG PAGIGING HARI NG
MGA MANANAMPALATAYA
Sinabi ko kanina na ang aking kaisipan tungkol sa buhay ng hari o anak ng hari ay makasanlibutan. Ang makasanlibutang kaisipan tungkol sa buhay ng hari o anak ng hari ay ang masarap na buhay: ito may kasaganaan, katiwasayan, at kawalan ng suliranin. Ngunit, iba ang kaisipan ng Diyos tungkol sa pagiging hari. Ito nga ang ipinapahayag ni apostol Juan dito sa talata 9 – “Akong si Juan, na inyong karamay sa kapighatian, at sa kaharian, at sa pagtitiis alang-alang kay Jesus ay nasa pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesus” (v.9).
Ayon kay G.K. Beale, ang bahagi ng talata na: sa kapighatian, at sa kaharian, at sa pagtitiis ay mayroon lamang isang “article”. Kung kaya’t ang dapat na salin ng bahaging aking nabanggit ay: sa kapighatian, at kaharian, at pagtitiis. Wala iyong salitang “sa” bago ang kaharian at pagtitiis. Ang ibig sabihin nito ay ang kapighatian, kaharian at pagtitiis ay magkakasama o iisa. Ang kaharian ay kaakibat ang kapighatian at pagtitiis.
Ayon sa talatang ating pinag-aaralan, si Juan at ang kanyang mga sinusulatan ay magkakasama sa isang kaharian. Ang salitang kaharian dito sa talata 9 ay ang pagpapatuloy ng pananalita sa talata 6 na nagsasabing – “at ginawa tayong kaharian, mga pari sa kanyang Diyos, at Ama..” Sa ating pag-aaral sa talata 6 nalaman natin na ang pananalita na ginamit sa talatang iyon ay galing sa Exodo 19:6 – “Sa akin kayo ay magiging isang kaharian ng mga pari at isang banal na bansa.” Pansinin ninyo na ang pananalita na ginamit dito ay panghinaharap. Ang layunin ng Diyos para sa Israel na hindi nagawa ng huli ay sinasabi ni Juan na naganap sa iglesiya dahil ang pandiwa na ginamit sa talata 6 ay pangnakaraan – “at ginawa”. Ang ibig sabihin ay nangyari na ang pagiging hari ng mga mananampalataya.
Sa sanlibutan, kahit na sa Kasulatan, ang pagiging hari ay nakabase sa lahi o pamilya. Ang mga naging hari ng Israel pagkatapos ni Saul ay nanggaling sa lahi ni David. Dito sa sanlibutan ang mga nagiging hari ay nanggagaling sa pamilya ng mga naunang mga hari o reyna, katulad ni King Charles III. Ang susunod sa kanya ay ang kanyang anak na si Prince William. Pero saan nanggaling ang pagiging hari ng mga mananampalataya?
Sa ebanghelyo na isinulat ni Juan ay ipinahayag kung saan nanggaling ang pagiging hari ng mga mananampalataya. Ang sabi ng Espiritu Santo ay – “na ipinanganak hindi sa dugo, o sa kalooban ng laman, o kalooban ng tao, kundi ng Diyos. (Juan 1: 13). Ang pagiging hari ng mga mananampalataya ay nanggaling sa Diyos na may tatlong persona, na mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng bagay (Roma 11:36). Ito ay nanggaling sa puso ng Panginoong Diyos, ang Ama, sa pagkilos ng Espiritu Santo at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Papaano nangyari ito? Ang sagot ay mababasa natin sa talata 5 – “sa pamamagitan ng dugo ni Cristo Jesus.” Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, ay itinatag ni Jesus ang kanyang kaharian at dito ay inilipat ng Diyos ang lahat ng mga tinubos at nakatanggap ng kapatawaran sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus sa krus. Ito nga ang katotohanang ipinahayag ni apostol Pablo sa Colosas 1:13-14 – “Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak, na sa kanya ay mayroon tayong katubusan, na syang kapatawaran ng mga kasalanan.”
Sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus, tayo ay naging mga mamayan ng kanyang kaharian. Tayo’y higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan niya na sa atin ay umibig (Roma 8:37).
Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng pagiging mamayan ng kaharian ng Diyos o pagiging hari? Marami ang nagsasabi na dahil ang mga mananampalataya ay mga mamayan na ng kaharian ng Diyos ay dapat na kakikitaan na sila ng katiwasayan at kaunlaran sa buhay. Dahil sila ay nagtagumpay na, hindi na sila dapat nagkakasakit dahil ang pagkakaroon ng sakit o karamdaman ay tanda na ang isang tao ay wala pa sa ilalim ng biyaya ng Diyos. Ito ang ipinapangaral ng maraming mga health and wealth preachers. Pero ito ay mga kasinungalingan. Sa Katesismong Heidelberg tanong at sagot 32 ay ganito ang ating ipinapahayag –
T – Bakit ka tinawag na Kristiyano?
S – Sapagkat ako ay kasapi kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya at dahil dito ako ay nakikibahagi sa kanyang pagkahirang ng sa gayon, bilang propeta ay maari kong ipahayag ang kanyang pangalan, bilang saserdote ay ialay ko ang aking sarili bilang haing buhay ng pasasalamat sa kanya, at bilang hari at magpursigi ng may malaya at mabuting budhi laban sa kasalanan at sa diyablo sa buhay na ito at sa susunod na buhay ay magharing kasania NIya magpakailanman sa latat ng mga nilikha.
Bilang mga hari, ang mga mananampalataya ay may tatlong gawain.
Una, ang makipaglaban sa gawa ng laman. Ang kasalanan ang pinaka-matinding kaaway ng mga mananampalataya. Ito ay nanahan sa kanila, malapit sa kanila, at hindi sila nilulubayan araw at gabi. Dahil ang mgananampalataya ay namatay na sa kasalanan, hindi na nila hinahayaan na maghari sa ang kasalanan sa kanilang katawang may kamatayan, upang masunod ang pagnanasa nito (Roma 6:12). Ito ang pinaka-matinding kaaway ng mga mananampalataya ang kanilang laman. Ito nga ang naging karanasan ni Augustine na taga Hippo. Sa kanyang murang edad ay naranasan na ang pakikipagtalik sa babae. Sa kanyang aklat na may titutlong Confessions ay ganito ang sinabi niya –
“As I grew to manhood, I was inflamed with desire for an excess of hell’s pleasures. My family made no effort to save me from my fall by marriage. Their only concern was that I should learn how to make a good speech and how to persuade others.”
Sa edad na 16 noong kanyang nilisan ang kanilang lunsod na Thargaste papuntang Carthage, ang kanyang ina na si Monica, na hindi tumigil na nanalangin para sa kanyang anak hanggang ito ay nabago at naging Krsityano sa edad na 32, nagbilin – na huwag ng makiapid lalo na sa mga babae na may asawa. Ngunit ito ay hindi pinakinggan ni Augustine, siya ay nagpatuloy sa kanyang pagkahilig sa babae. Siya ay nagkaroon ng ka-relasyon sa Carthage at sila ay nagkaroon ng anak.
Noong narating niya ang edad 30, siya ay nagpunta sa Milan, Italy at doon ay nagpasailalim siya kay Ambrose na isang Pastor. Noong una siya ay dumadalo sa mga pagtuturo ni Ambrose dahil gusto lamang niyang matuto. Si Ambrose ay magaling magsalita. Si Augustine ay nagpatuloy sa pagdalo sa ministeryo ni Ambrose hangga’t ang Diyos ay kumilos sa kanyang puso. Dito nagsimula ang paglalaban sa kalooban ni Augustine. Matinding hirap ng kalooban ang kanyang naranasan dahil para siyang hinihila ng dalawang puwersa. Ang pagnanasa ng kanyang laman at ang pagnanais na sumunod sa Diyos. Ganito ang nangyari sa kanya –
I flung myself down beneath a fig tree and gave way to the tears which now streamed from my eyes. In my misery, I kept crying, “How long will I go on saying, ‘Tomorrow, tomorrow?’” Why not now? Why not make an end to my ugly sins at this moment?’ All at once I heard the singsong voice of a child in a nearby house. Whether it was the voice of a boy or a girl I cannot say, but again and again it repeated the refrain, “Take it and read. Take it and read.”
At this I looked up, thinking hard whether there was any kind of game in which the children used to chant words like these, but I could not remember ever hearing them before. I stemmed my flood of tears and stood up, telling myself that this could only be a divine command to open my book of Scripture and read the first passage on which my eyes should fall.
So I hurried back to the place where Alypius was sitting, seized the book of Paul’s epistles and opened it. In silence, I read the first passage on which my eyes fell:
”Not in reveling in drunkenness, not in lust and wantonness, not in quarrels and rivalries. Rather, arm yourselves with the Lord Jesus Christ; spend no more thought on nature and nature’s appetites” (Romans 13:13–14).
I had no wish to read more, nor need to do so. For, in an instant, as I came to the end of this sentence, it was as though the light of confidence flooded into my heart, and all the darkness of doubt was dispelled.
Sa edad na 32 ay nanumbalik siya sa Diyos at hindi na binalikan pa ang dati niyang pagkatao.
Ang karanasan ni Augustine ay nararanasan din ng bawat isang mananampalataya. May kilala ako na isang kristiyano na ang napanood na pornograpiya ay tumatak sa kanyang isipan ng maraming taon. Ito ang pumukaw sa kanyang puso at isipan ng maraming taon hangga’t ang biyaya ng Diyos sa pagliligtas ay dumating sa kanya. Pero kahit na noong siya ay mananampalataya na, ito ay sumusulpot-sulpot pa rin sa kanyang isipan. Kasama ni apostol Pablo ay kanyang ipinahayag na: “Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan? Salamat na lamang sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin ” (Roma 7:24-25).
Pakinggan ninyo ito, lalo na kayong mga kabataang lalaki at kayong mga magulang, huwag na ninyong subukan pa na manood ng pornograpiya o mga malalaswang mga palabas dahil ito ang gustong-gusto ng ating laman at ito ay napakahirap tanggalin sa isipan, at sa mga magulang, bantayan ninyo ang inyong mga anak. Tingnan ninyo ang kanilang mga cellphone baka sila ay napupunta na sa mga site na may pornograpiya.
Maaring hindi ang pakikipagtalik ang gusto ng inyong laman. Maaring iba, kagaya ng pagkahilig sa sugal, alak, pornograpiya, pera o papuri o atensyon ng ibang tao. Tiyak na ang mga ito ang patuloy na pupukaw sa inyong mga puso at susubukang maghari sa inyong laman. Kung kaya’t dapat ninyo itong labanan at patayin araw-araw. Ito nga ang ipinahayag ni apostol Pablo sa Colosas 3:5,8, 9a – “Patayin ninyo ang ang anumang makalupa na nasa inyo: pakikipapid, karumihan, masamang pita, masasamang pagnanasa, at kasakiman na ito’y pagsamba sa diyus-diyosan. Ngunit ngayo ay itakuwil ninyo ang lahat ng mga ito: galit, poot, masamang pag-iisip, panlalait, at maruming pananalita mula sa inyong bibig. Huwag kayong magsinungaling sa isa’t isa.”
Papaano natin gagawin ito?
Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos na siyang ginagamit ng Espiritu Santo upang tayo ay pabanalin, at sa paglakad na may pagsunod sa ating Panginoong Cristo Jesus.
Ang pagtatagumpay laban sa laman ay hindi mangyayari sa pamamagitan lamang ng pagtanggi o pagsasabing ayoko na. Ito ay mangyayari lamang kung kayo ay lalakad na may pagsunod kay Cristo Jesus. Ang sabi ni apostol Juan ay – “Ngunit ang sinumang tumutupad ng kanyang salita, tunay na naging ganap sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan nito’y nalalaman natin na tayo’y nasa kanya. Ang nagsasabing siya’y nanatili sa kanya ay nararapat ding lumakad gaya ng kanyang paglakad” (1 Juan 2:5,6).
Pangalawa, ang makipaglaban sa sanlibutan. Ang sabi ni apostol Juan ay – “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan” (1 Juan 2:15). Anong sanlibutan ang tinutukoy dito ni Juan? May dalawang kahulugan ang sanlibutan. Ang una ay ang sanlibutan na ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus at minamahal ng Diyos kay Cristo Jesus. At ang pangalawa, ay ang sanlibutan na nasa kamay ni Satanas at binubuo ng mga tao sa mundo na kontra at hiwalay sa Diyos. Ang sanlibutan na tinutukoy ni Juan ay ang pangalawa. Ito rin ang sanlibutan na dapat na labanan ng mga mamayan ng kaharian. Ito ay ay kamunduhan. Pinakahulugan ni C.J. Mahaney ang kamunduhan o worldliness sa kanyang maliit na aklat na may titulong “Worldliness” ng ganito – “worldliness is love for this fallen world. Ang kamunduhan ay ang pag-ibig sa makasalanang mundo. Kanyang ipinaliwanag ito sa pamamagitan ng pagsasabing – “It’s loving the values and pursuits of the world that stand opposed to God. More specifically, it is to gratify and exalt oneself to the exclusion of God. It rejects God’s rule and replaces it with our own.” Idinagdag niya dito ang mga tanong na:
1. Does outward prosperity appeal to you more than growth in godliness?
2. Do you esteem and crave approval of those around you?
3. Do you go to great length to avoid looking foolish or being rejected for your Christian faith?
4. Do you consider present and material results more important than eternal reward?
5. Have you departed from God and adopted idols instead?
Mahal ba natin ang sanlibutan?
Bilang mga mamamayan ng kaharian ng Diyos, hindi natin dapat minamahal ito. Ito dapat ay kinapootan natin at pinaghaharian natin. Ito ang kaharian ni Satanas na dapat nating pagtagumpayan. Ang sabi ni Jesus pagkatapos ng napakagandang pahayag ni Pedro sa Mateo 16:16 na “Ikaw ang Cristo, ang anak ng Diyos na buhay” ay – “sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesiya, at ang pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa kanya” (16:18). Ang sabi ni Dr. Maynard Koerner tungkol dito ay: ang Hades ay napapalibutan ng bakuran, at ito ang dapat na pasukin ng iglesiya upang sakupin. Hindi natin dapat mahalin ang sanlibutan at mamumuhay ayon sa masamang sistema nito, pero tayo ay inilagay sa sanlibutan upang tayo ay makaipaglaban dito at pagtagumpayan ito sa pamamagitan ng ebanghelyo.
At ang pangatlo, ang makipaglaban sa diyablo. Dahil ang diyablo ay kaaway ng Diyos. Ito rin ay kaaway ng lahat ng mananampalataya dahil ang kaharian at kapangyarihan niya ay laban sa kaharian ng Diyos. Ang diyablo ay walang kapaguran sa kanyang ginagawang pakikipaglaban sa mga mananampalataya, kung kaya’t ang mga mananampalataya ay hindi dapat nagpapahinga sa kanilang pakikipaglaban sa kanya. kaya’t ang tagubilin ni apostol Pedro sa mga mananampalataya ay – “magpakatino kayo, magbantay kayo. Ang diyablo na inyong kaaway ay tulad ng leaong gumagala at umuungal na humahanap ng kanyang malalapa” (1 Pedro 5:8).
Ang mga mananampalataya, bilang mga hari, ay hindi dapat tumitigil sa pakikipaglaban sa diyablo sapagkat hindi sila mangmang tungkol sa kanyang mga balak.
Ang mga mamayan ng kaharian ng Diyos ay humaharap sa tatlong kaaway. Ngunit, sila ay hindi humaharap at lumalaban sa pamamagitan ng sarili nilang lakas. Sila ay lumalaban gamit ang kapangyarihan na ipinagkaloob sa kanila ng Ama at ng Anak, ang Espiritu Santo. Kaya nga ang sabi ni apostol Pablo sa Roma 8:13-14,15a ay – “sapagkat kung mamuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, subalit kung sa pamamagitan ng Espiritu santo ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay. Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos sila ang mga anak ng Diyos. Sapagkat hindi kayo tumatanggap ng espiritu ng pagka-alipin upang muling matakot…” Ang mga mananampalataya ayon kay Zacarias ay – “Sila’y magiging parang mga makapangyarihang lalaki, na tinatapakan ang kaaway sa putik ng lansangan sa labanan, at sila’y lalaban, sapagkat ang PANGINOON ay kasama nila”(10:5). Ang mga mananampalatya bilang mga hari ay magpapatuloy sa pakikipaglaban hangga’t sila ay makarating sa punto na sasabihin nila kasama ni apostol Pablo na – “Nakipaglaban ako ng mabuting pakikipaglaban, natapos ko na ang aking takbuhin, iningatan ko ang pananampalataya. Kaya’t mula ngayon ay nakalaan na sa akin ang putong ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na iyon, at hindi lamang sa akin kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad ng kanyang pagpapakita” (2 Timoteo 4:7,8).
PAGHAHARI SA PAMAMAGITAN
NG KAPIGHATIAN AT PAGTITIIS
Dito sa Apocalipsis 1:9-16, si apostol Juan ay inatasan ng Diyos na sumulat ng propesiya. Ipinakilala niya ang kanyang sarili dito sa talata 9 na kapatid at karamay ng kanyang mga sinusulatan sa kapighatian, kaharian at pagtitiis alang-alang kay Jesus at siya ay nasa pulo ng Patmos dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesus.
Kagaya ng sinabi ko kanina ang kapighatian, kaharian at pagtitiis ay iisa. Ang mga ito ay hindi naghihiwalay. Kung kaya’t kasama ng paghahari ang kapighatian at pagtitiis para sa Salita ng Diyos.
Ito nga ang kalagayan ni Juan. Siya ay nawalay sa iglesiya na kanyang pinaglilingkuran, ang iglesiya ng Efeso, dahil siya ay dinalang bihag sa pulo ng Patmos. Ang hugis ng pulo ng Patmos ay gasuklay o crescent sa inglis at ito ay may daungan ng barko. Ang lugar na ito ay mayaman sa inang-mina o ore sa inglis. Dito dinadala ang mga political prisoners ng Roma. Sa panahong ito, si apostol Juan ay mahigit 80 taon na. Tiyak na nakakaranas ng pisikal na hirap si Juan, pero ang mas matinding pagdurusa na kanyang nararanasan ay ang kanyang pagkawalay sa iglesiya na kanyang pinag-papastoran at ang kawalan niya ng kakayanan na ipahayag ang ebanghelyo ng kanyang Tapagligtas at Panginoon na si Jesus.
Noong sinabi ni Juan na siya ay karamay ng kanyang mga sinusulutan, ang kapighatian ay aktuwal ng nararanasan hindi lamang ni Juan kundi ng mga iglesiya ng kanyang sinusulatan. Subalit sa pamamagitan ng kanyang pananalita dito sa talata 9, ipinapahayag ng Diyos sa pamamagitan ni Juan na ang paghahari ng mga mananampalataya ay isasagawa nila sa gitna ng kapighatian at sa pamamagitan ng pagtitiis. Ang kapighatiang naranasan ni Juan at ng kanyang mga sinusulatan at ng lahat ng mga mananampalataya ay dumating o dumarating dahil sa kanilang pagkakilanlan bilang mga kasapi ni Jesus.
Sila ay nakakaranas ng kapighatian hindi dahil sa anumang bagay kundi dahil sa kanilang pananampalataya kay Jesus at paghahayag ng ebanghelyo. Itong kabalintunaan sa pagiging hari o ng buhay sa kaharian ng Diyos ay isinasalamin ang pagsasagawa ni Jesus ng kanyang ministeryo mula sa kanyang pagdating dito sa lupa hanggang sa kanyang kamatayan. Siya ang Hari na dumating dito sa lupa, ngunit ang kanyang otoridad ay kanyang isinagawa sa pamamagitan ng pagdurusa hanggang sa kanyang kamatayan sa krus. Sa kanyang kapanganakan, pagsasagawa ng kanyang ministeryo, at kamatayan ang imahe ng krus ay kasama na niya. Ito nga ang himno na ipinahayag ni apostol Pablo sa Filipos 2:6-11 –
“na siya, bagama't nasa anyo ng Diyos, ay hindi niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan ang pagiging kapantay ng Diyos,7 kundi hinubaran niya ang kanyang sarili at kinuha ang anyong alipin na naging katulad ng tao.8 At palibhasa'y natagpuan sa anyo ng tao, siya'y nagpakababa sa kanyang sarili, at naging masunurin hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan man sa krus.9 Kaya siya naman ay itinaas ng Diyos, at siya'y binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan;10 upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod, sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa,11 at ipahayag ng bawat dila na si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.”
Ang krus ang daan na lalakaran ng bawat kasapi ni Cristo sa pananampalataya. Ito nga ang kanyang ipinahayag sa Lucas 9:23 – “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kayang sarili at magpasan ng krus araw-araw at sumunod sa akin.” Ito ang pamaraan ng kanilang paghahari. Ang pagiging hari kay Cristo Jesus ay kaakibat ang mga pagsubok, at pagdurusa sa sanlibutang ito. Walang mamamayan sa kaharian ng Diyos na ligtas sa kapighatian dahil ito ang tanda ng pagiging kasapi sa kaharian ng Diyos.
Ang mga mananampalataya ay magdurusa dahil hindi sila makikipagkasundo sa sanlibutan. Sila ay magtatagumpay sa pamamagitan ng pagsubok dahil hindi nila ikokompromiso ang kanilang patotoo sa pangalan ni Jesus at sa pagkakaroon nila ng karakter na katulad ni Jesus. Kung kaya’t, kagaya ng paghahari ni Jesus, ang mga mananampalataya ay magtatagumpay sa pamamagitan ng hindi pagkompromiso sa kanilang tapat na pagpapatoo kay Jesus, kahit na sa harap ng matinding pagsubok at panganib.
Ang mga Kristiyano ay hindi dapat nabibigla kung ang pagsubok ay dumarating sa kanilang buhay na parang isang kakaibang bagay ang nangyayari sa kanila dahil sinabi mismo ni Jesus sa atin na – “Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa pag-uusig” (Juan 16:33). Huwag kayong maniwala sa mga prosperity preachers na ang plano ng Diyos sa inyo ay para payamanin at paunlarin ang inyong mga buhay. Ang pagiging mamayan ng kaharian ng Diyos ay hindi pananggalang sa kapighatian. Kundi ang kapighatian na naranasan ng mananampalataya sa lahat ng panahon ay tanda ng kanilang pagiging miyembro ng kaharian ng Diyos. Ipinapakita ni Juan dito na ang mga mananampalataya ay hindi matatakot na ipahayag ang salita ng Diyos at ang ebanghelyo ni Jesus kahit na sa harap ng matinding panganib sa kanilang buhay. Ito ang ipinakita ni Juan dahil ito ang nakita niya sa kanyang Tagapagligtas at Panginoon na si Cristo Jesus.
Ang kapighatian ay ang tanda ng pagiging mamayan ng kaharian ng Diyos. Pero hindi lamang ito ang tanda, may isa pa, at ito ay ang pagtitiis. Ano nga ba ang ibig sabihin ng pagtitiis dito sa talatang ating pinag-aaralan. Ito iyong pagpapatuloy sa pananampalataya at katapatan kay Jesus anumang hirap o kawalan na maranasan ng mananampalataya.
Ito nga ang ipinapakita ni Juan dito sa talata 9-16. Sa kabila ng pagkakakulong, gutom, at hirap na nararanasan ni Juan, siya ay nagpapatuloy sa pagsamba at paglilingkod kay Jesus at nagpapapatoo sa pagliligtas ni Jesus.
Ilan sa atin ang may katapatan at pagtitiis sa paglilingkod kay Jesus na kagaya ng ipinakita ni Juan? Sa pagsamba. Bakit hindi nakakadalo ang iba sa pagsamba? Mas matindi ba ang kanilang nararanasang kapighatian kaysa kay Juan, kung kaya’t hindi sila makasamba sa araw ng Panginoon?
Tunay ba na si Jesus ay namatay para sa inyo at ginawa niya kayong hari sa kaharian ng Diyos? Kung OO ang inyong sagot, ipakita ninyo na kayo ay karamay ni Juan sa kapighatian, at sa kaharian at sa pagtitiis alang-alang kay Jesus na ating Panginoon. Amen.
Commentaires