top of page
Search

ANG DIYOS NA NAGSALITA SA ATIN

TEKSTO: Hebreo 1:1-2

 

Panimula

 

Mga minamahal na mga kapatid sa pananampalataya kay Cristo Jesus.

 

Ang Diyos na ating sinasamba ay ang Diyos na ganap. Hindi lamang Siya ganap, Siya rin ay personal. Kung kaya’t Siya’y ganap na personal. Ang ibang mga relihiyon at pilosopiya, kagaya ng mga Hindu Brahman, ang Greek Fate, Aristotle’s Prime Mover, at Hegel’s Absolute, ay may sinasamba rin ganap na personal na diyos. Pero wala sa mga diyos na ito ang nagsasalita sa atin. Ang Diyos lamang ng Kasulatan o ng Kristiyanismo ay ang Diyos na ganap na personal at nagsasalita. Ito ang Diyos na ating sinasamba. Siya’y nagsasalita. Hindi siya tahimik, at hindi Siya di-kilala.

 

Ang tema ng ating pangangaral sa umagang ito ay: mula pa sa pasimula, minarapat ng Diyos na ipahayag ang Kanyang sarili – una sa maraming panahon, at sa iba’t ibang paraabn, at ngayon sa wakas at ganap, sa pamamagitan ng Kanyang Anak.

 

Pag-aaralan natin ang temang ito sa pamamagitan ng dalawang punto: Una, ang Diyos ay nagsalita, at pangalawa, ang Diyos ay nagsalita sa huling araw sa pamamagitan ng Anak.

 

BATAYANG IMPORMASYON

 

Bago natin talakayin ang dalawang punto na aking nabanggit, mahalaga na malaman muna natin ang batayang impormasyon ng aklat na sisimulan nating pag-aaralan sa umagang ito, ang aklat ng Hebreo. Sasagutin natin ang mga sumusunod na tanong na: (1) Sino ang may sumulat ng aklat ng Hebreo? (2) Sino ang sinusulatan? (3) kailan isinulat ito? (4) Bakit isinulat ito? (5) Anong klaseng litiratura itong aklat na ito? (6) Ano ang basehan ng pagkakasama nito sa Canon ng Kasulatan?

 

ANG SUMULAT: Sa mga naunang panahon ng iglesiya, ang pinaniwalaan ng marami ay si apostol Pablo ang may akda ng aklat ng Hebreo. Ito ang ipinahayag sa ating Belgic Confession sa Artikulo 4 –

 

Artikulo 4 – Mga Kanonikal na Aklat ng Banal na Kasulatan


Sumasampalataya kami na ang Banal na Kasulatan ay napapaloob sa dalawang aklat, na tinatawag na, ang Matanda at Bagong Tipan, na mga kanonikal, na laban sa mga ito ay walang maipaparatang na kamalian. Ang mga ito ay kinilala sa Iglesia ng Diyos.

Ang mga aklat ng Matandang tipan ay: Genesis, Exodo, Levitico, Mga Bilang, Deuteronomio, Josue, Mga Hukom, Ruth, II Samuel, II Samuel, I Mga Hari, II Mga Hari, I Mga Cronica, II Mga Cronica, Ezra, Nehemias, Esther, Job, Mga Awit, Mga Kawikaan, Eclesiastes, Ang Awit ng mga Awit, Isaias, Jeremias, Mga Panaghoy, Ezekiel, Daniel, Hoseas, Joel, Amos, Obadias, Jonas, Mikas, Nahum, Habakuk, Sefanias, Hagai, Zacarias, at Malakias.

Ang mga aklat naman ng Bagong Tipan ay: ang apat na ebanghelista, ang mga ito nga’y ang, Mateo, Marcos, Lucas, at Juan; ang Gawa ng mga Apostol; ang labing-apat na sulat ni Pablo, alalaong baga’y: isa sa mga taga-Roma, dalawa sa mga taga-Corinto, isa sa mga taga-Galacia, isa sa mga taga-Efeso, isa sa mga taga Filipos, isa sa mga Colosas, dalawa sa mga taga-Tesalonica, dalawa kay Timoteo, isa kay Tito, isa kay Filemon, isa sa mga taga-Hebreo; pito ang sinulat ng ibang mga apostol, ito nga’y, isa kay Santiago, dalawa ang kay Pedro, tatlo ang kay Juan, isa ang kay Judas; at ang Apocalipsis na sinulat ni apostol Juan.

May dalawang dahilan kung bakit si apostol Pablo ang itinuturong may akda ng akalt ng Hebreo.

 

Una, ang nilalaman ng aklat na ito ay kasintunog ng mga sulat ni apostol Pablo. Sa Hebreo 13:23 ay binanggit si Timoteo, na isa sa mga alagad ni apostol Pablo, at ang tema sa kabanata 10 na kagalakan sa gitna ng pagdurusa ay madiing iipinapaalala si apostol Pablo. Ito nga tema na matatagpuan natin sa halos lahat ng kanyang mga sulat. Kung kaya’t, pinaniniwalaan ng marami na si apostol pablo ang mgay akda ng akalt ng Hebreo, o h]kung hindi man ay isa sa mga malalapit na alagad niya ang sumulat.

 

At pangalawa, ang isa sa pangsuportang argumento na si Pablo ang sumulat ay ang isyu patungkol sa canonicity ng Hebreo. Ang pagkakasama ng akalt ng Hebreo sa Biblia ay hindi naging madali, nagkaroon din ng kontrobersya tungkol dito, kung kaya’t ang argumento na si Pablo ang sumulat nito ang nagpatibay sa panukalang ang aklat ng ito ay dapat na kasama sa Kasulatan.

 

Pero, may mga indikasyon na hindi si apostol Pablo ang nagsulat ng aklat ng ito. Una, sa lahat ng sulat ni apostol Pablo ay ipinakilala niya ang kanyang sarili, at binibigyang diin ang kayang otoridad bilang apostol. Ang manunulatng Hebreo ay hindi binanggit ang kanyang pagkakilanlan. Bagama’t may mga nagsasabing, hindi binanggit ni apostol Pablo ang kanyang pangalan dahil sa mga Judio na may matinding galit sa kanya. Kung kaya’t nilayon niyang hindi siya makilala na may akda ng aklat. Ang pinamagandang argumento na hindi si apostol Pablo ang may akda ay ang ginamit na griyego sa aklat na ito. Sa mga sulat ni apostol Pablo, siya’y gumamit ng ordinaryong griyego. Pero, ayon sa mga eksperto, ang griyegong ginamit dito sa aklat ng Hebreo ay iyong pormal na griyego o ang estilong ginamit ay mataas na klase. At isa pa, ang pagkaka-ayos ng aklat ay hindi katulad ng karaniwang pagkakaayos ng sulat ni apstol Pablo. Sa mga sulat ni apostol Pablo, karaniwang ang aplikasyon ay nasa huling bahagi, pero dito, ang aplikasyon ay nakasingit sa bawat paksa. At ang pinakamahalagang argumento ay iyong sinabi sa kabanata 2:3 na – “at pinatutunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya. Sa ibang pananalita, ang may akda ay ay natanggap ang mensahe mula sa mga taong nakarinig mismo kay Jesus. Ito ang bagay na itinatanggi ni Pablo. Sa kanyang mga sulat ay idiniin niya na natanggap niya ng direkta ang kapahayagan mula sa Panginoon at hindi sa ibang mga apostol (Gal. 1:12).

 

Dahil dito, may mga suhestiyon na maaring si Lucas, o si Silas o Priscilla ang nagsulat. Pero, may mas magandang rason ang iba na naniniwalang si Barnabas, na malapit din kay apostol Pablo ang nagsulat nito. Sa Hebreo 13:22 ay inilarawan ang aklat na ito ay salita ng pangaral. Ang kahulugan ng pangalang Barnabas ay “anak ng pangaral.” Hindi lamang malapit si Barnabas kay apostol Pablo, siya rin ay isang Levita, kung kaya’t malamang siya’y may interes sa Judiong pagkapari na malimit nating mababasa sa aklat ng ito.

 

Mayroon pang isang itinuturong sumulat nito. Ayon kay Martin Luther, ang sumulat ay si Apollos na kasamahan din ni Apostol Pablo. Ang basehan ni Martin Luther ay ang pananalita sa Gaawa 18:24, si Apollos ay mahusay magsalita at dalubhasa  sa mga Kasulatan. Idinadag pa niya na si Apollos ay nagmula sa Alexandria, at may mga tema sa Hebreo na popular sa lugar na iyon

Sino ang sumlat ng akalt ng Hebreo? Hindi natin masabi ng may katiyakana. Kung kaya’t dapat na lang nating tanggapin ang sinabi ni Origen na: Kung sinoa ng sumulat sa sulat, ang Diyos lamang ang nakakaalam. Maaring malalaman na lamang natin kung sino pagdating natin sa kaluwalhatian.

 

ANG SINUSULATAN: Ayon sa mga eksperto, ang mga taong sinusulatan dito ay ang Jewish Christians o mga Kristiyanong mga Judio na nasa ilalim ng matinding pagsubok at nasa bingit na ng pagtalikod sa pananampalataya at panunumbalik sa Judaismo.

 

NASAAN ANG MGA SINUSULATAN: May mga opinyon na ang mga sinusulatan ay nasa Palestino. Ang mga mananampalataya sa lugar na ito ay nakaranas ng pag-uusig sa kamay ng mga Judio, at dahil sa pagpapatungkol sa sa mga seremonyas sa templo.

 

Pero, ang pag-uusig na binabanggit dito sa aklat ng Hebreo ay hindi pa nagresulta sa pagdanak ng dugo. Ito nga ang ipinahayag sa Hebreo 12:4 – “Sa inyong pakikipaglaban sa kasalanan, hindi pa kayo humantong sa pagdanak ng inyong dugo.” Ang pagpapdanak ng dugo ay nangyari sa Palestine, na kagaya ng nangyari kay Esteban.

 

Dahil dito, ang mga eksperto ay naniniwalang ang mga Jewish Christians na sinusulatan ay nasa iglesiya sa Roma. Ang church father na si Clement ng roma, na nagsulat noong mga A.D. 95, ay ipinakita na siya’y pamilyar sa Hebreo, at sa aklat ng mga Gawa at Roma. Pinatungkulan niya ang malaking iglesiya ng mga Judio sa Roma. Ang mga Jewish Christians ay inusig noong A.D. 49 sa panahon ni emperor Claudius at noong A.D. 60 sa panahon ni Nero. Ang pangyayari sa panahon ni Caludius na kung saan ay sinasamsam ang mga ari-arian ng mga Krisityano ay angkop sa sinabi sa 10:32-34, at ang inaasahang pagpapadanak ng dugo sa 12:4 ay angkop sa mga pangyayari sa panahon ni Nero.

 

KAILAN ITO ISINULAT: Kung ang mga sinusulatan ay nasa Roma, ang sulat ay ginawa bago A.D. 64, ang panahon na kung saan ang pag-uusgi ni Nero ay nagsimulang lumaganap. Malmang ang aklat na ito ay isinulat bago ang A.D. 70, ang taon na kung saan ang templo sa Jerusalem au winasak ng mga Romano. Ito ay dahil sa aklat ng Hebreo, ang manunulat ay pinapatungkulan pa ang mga seremonyas sa templo, na ang ibig sabihin ay ang templo ay nakatayo pa.

 

ANG LAYUNIN NG MANUNULAT: Ang layunin ng manunulat ay malinaw na ipinhayag sa sa sulat. Ito ay babala sa pagtalikod sa pananampalataya kay Cristo sa gitna ang mga pagsubok at pangaral na magpursigi upang maabot ang tamang gulang sa pananampalataya. Ito nga ang ipinahayag niya sa Hebreo 10:23 - 23 Panghawakan nating matatag ang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nangako ay tapat.

 

PAPAANO NASALI ANG AKLAT SA CANON: Ang sinaunang iglesiya ay ginamit na batayan para sa canonicity ang katibayan ng pagiging apostoliko ng aklat. Hindi ibig sabihin nito na ang ang nagsulat ay ang mga apostol mismo. Ito nga ang ipinakita sa pagkakasali ng ebanghelyo ayon kay Marcos, Lucas, Mga Gawa, at iba pang gma aklat. Sapat na na ang may akda ay malapit na alagad o kasamahan ng isang apostol, at ang nilalaman nitong katuruan ay apostolika. Pero, huwag nating isipin na ang iglesiya ang nagtatag ng canon. Ang canon ay ipinahayag sa pamamagitan ng probidensya ng Diyos, at ito au kinilala na lamang ng iglesiya.

 

ANG DIYOS AY NAGSALITA NOONG UNA

 

Ang Banal na Espiritu sa unang talata ng aklat ng Hebreo ang nagsabing – “Noong unang panahon, ang Diyos ay nagsalita” (v. 1).

 

Ang unang pananalitang ito ay parang isang bomb ana sumabog sa mukha ng makabagong kaisapan ng tao patungkol sa kaalaman patungkol sa Diyos. Ito ang tinatatawag sa Inglis na Intellectual autonomy o kasarinan sa pag-iisip. Ayon sa pananaw na ito, ang tao ay may karapatang o kasarinlang hanapin ang kaalaman tungkol sa mundo ng Diyos na hindi napapasailalim kapahayagan ng Diyos.

 

Alam ba ninyo na ang pananaw na ito ay naunang nakita sa Genesis 3 tungkol sa pagkahulog sa kasalanan nila Adan at Eba? Doon sa udyok ni Satanas, sina Adan at Eba ay nagdesisyon na huwag sundin ang personal na salita ng Diyos sa kanila. Sa kanilang desisyon ay pinagtibay nila ang kanilang karapatang mag-isip na may kasarinlan, kahit na ito ay nangahulugan na kanilang kinokontra ang ang Diyos mismo.

 

Ang pananaw na ito, na  nagsimula sa hardin ng Eden sa udyok ni Satanas,  ay namamayagpag hanggang ngayon. Ang mga tao ay ginawa ang kanilang sariling kaisipan na sukatan ng katotohanan. Dahil dito, ang maraming tao ay hindi naniniwala sa ganap na katotohanan o absolute truth, dahil ayaw nilang ibatay ang kanilang kaisipan sa katotohanan ng Diyos. At dahil dito, kahit na ang kanilang kaisipan tungkol sa Diyos ay hindi totoo.

 

Ang tanong ay, may kakayanan ba ang tao na makilala ang Lumalang sa kanya? Mayroon bang Tagapagligtas na tutulong sa atin? Ang sagot sa mga tanong na ito ay hindi, malibang ipahayag ng Diyos ay hindi natin malalaman na may Diyos o makikilala Siya. Kung walang tunay na pagkakilala sa Diyos, tayong mga tao ay walang pag-asa, at walang tayong solusyon sa pinakamatinding problema ng tao, ang kamatayan. Si Job ay nagtanong ng ganito - “Matatagpuan mo ba ang malalalim na bagay ng Diyos? Ang sagot ay hindi. Hindi kayang abutin ng kaisipan ng tao ang Diyos. Kung gayon, papaano makikilala ng tao ang tunay na Diyos? Hindi natin Siya makikilala malibang Siya’y magsalita at ipakikilal ang Kanyang sarili sa atin. Kung ang mga unang mga salita sa aklat ng Hebreo ay napakahalaga- “Noong unang panahon, ang Diyos ay nagsalita.”

 

Ito ang patoto ng buong Kasulatan, na ito ay salita ng Diyos. Totoo, ang Kasulatan ay isinulat ng tao, na nasalita at ginamit ang pananalitang tao. Pero, ang Kasulatan ay idinidiin na sa pamamagitan ng mga taong sumulat ang Diyos mismo ang nagsalita at nagsasalita pa rin hanggang ngayon sa atin.

 

Ang manunulat ay nagsabing ang Diyos ay nagsalita sa ating mga ninuno at sa mga propeta.

 

Ang mga ninuno na binanggit ay pagpapatungkol sa unang mga tao na sina Adan at Eba, na kinausap ng Diyos sa hardin ng Eden na kung saan ay pinaligiran sila ng biyaya upang makilala nila ang tunay na Diyos, at sila’y kinausap sa pamamagitan ng pagbibigay ng utos na dapat nilang sundin upang hindi sila mamatay.

 

Ang mga propeta na binanggit ay ang mga propeta sa Lumang Tipan na sina Moises, Isaias, Jeremias, at ang marami pang mga propeta na kasabay nila o sumunod sa kanila.

 

Ito ang isa sa mga inaatake ng mga taong ayaw paniwalaan na ang Kasulatan ay salita ng Diyos. Ang sinasabi nila ay, dahil ito ay isinulat ng tao, kaya’t mayroong mga pagkakamali sa kasulatan.

 

Pero, hindi ganito ang sinasabi ng Kasulatan. Noong ang bayan ng Diyos ay kinatagpo ng Diyos sa bundok ng sinai, ang mga tao ay natakot, kung kaya’t kanilang pinakiusapan si Moses na - 19 Sinabi nila kay Moises, “Magsalita ka sa amin, at aming papakinggan, subalit huwag mong pagsalitain ang Diyos sa amin, baka kami ay mamatay” (Ex. 20:19). Kung kaya’t tinawag nila si Moises na magsaoita sa kanila bilang propeta. Ang propeta ay tao na ang salita ng Diyos ay nasa kanyang labi, na kagaya ng ipinahayag sa Deuteronomio 18. Sa kabanatang ito, pinagbawalan ng Diyos ang mga tao na sumangguni sa mga manghuhula o manggaway, o enkantador, o mangkukulam. Kung gayon, papaano malalaman ng tao ang kalooban ng Diyos? ito ay sa pamamagitan ng propeta - Ako'y hihirang para sa kanila ng isang propeta na gaya mo mula sa kanilang mga kapatid at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya at kanyang sasabihin sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kanya.19 At sinumang hindi makikinig sa aking mga salita na kanyang bibigkasin sa aking pangalan ay pananagutin ko tungkol doon.

May dalawang mahalagang bagay ang ipinahayag ng Diyos dito. Una, ang salita ng propeta ay salita ng Diyos. At pangalawa, ang salita ng Diyos mula sa labi ng propeta ay may otoridad dahil ang hindi makikinig sa salita na bibigkasin ng propeta ay mananagot.

Kahit na ang sinalita ng Diyos na sinalita rin ng propeta sa isang tao, na bumigkas ng mga sinalita ng propeta sa mga tao ay hindi nakakabawas sa otoridad ng salita ng Diyos o ng Diyos mismo.

Ito nga ang malinaw na ipinakita sa pamamagitan ng pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ni Moises. Ganito ang naging pag-uusap ng Diyos at ni Moises sa Exodo 4:13 - 14 Ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban kay Moises at kanyang sinabi, “Wala ba si Aaron, ang kapatid mong Levita? Alam kong siya'y nakakapagsalitang mabuti. Siya'y dumarating upang salubungin ka. Pagkakita niya sa iyo ay matutuwa ang kanyang puso.15 Ikaw ay magsasalita sa kanya at iyong ilalagay sa kanyang bibig ang mga salita; at ako'y sasaiyong bibig at sasakanyang bibig. Aking ituturo sa inyo kung ano ang inyong gagawin.16 Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao; siya'y magiging bibig para sa iyo at ikaw ay magiging parang Diyos sa kanya.

Dito ay nagtatatag antas: Diyos, MNoises, Aaron, at ang bayan ng Diyos. Ibibigay ni Moises kay Aaron ang salita ng Diyos, at ito ay sasalitainni Aaron sa mga tao. Sa lahat ng antas na ito, ang salita ay nanatiling salita ng Diyos. Sa talata 16 ay si Moises ay parang Diyos, dahil siya ang magbibigay ng salita kay Aaron. Si Aaron ay parang naging propeta ni Moises. Ang salita ni Moises at ni Aaron ay may otoridad ng Diyos dahil ang kanilang sinasalita ay salita ng Diyos.

Malinaw na kahit na ang salita ng Diyos na ipinasa ng propeta sa isang tao at ang huli at sinalita anbg mga salita na nanggaling sa propeta ay nanatiling salita ng Diyos. Ito ay may otoridad ng Diyos.

Kung kaya’t ang mga salita ng mga propeta sa Lumang Tipan ay tunay na mga salita ng Diyos. Ito rin ang pinatutunayan ng manunulat ng Hebreo. Sa ilang mga pagkakataon na kanyang ipinahayag ang mga salita sa Lumang Tipan, ang manunulat ay itinuturo ang nagsalita na si Jesus o ang Banal na Espiritu. Halimbawa sa Hebreo 2:12 na kung saan kanyang binanggit ang Awit 22:22, sinabing niyang ang nagsalita ay si Jesus sa Lumang Tipan –

11 Sapagkat ang gumagawang banal at ang mga ginawang banal ay pawang nagmula sa isa. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus[a] na tawagin silang mga kapatid,12 na sinasabi,“Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid, sa gitna ng kapulungan ay aawitan kita ng mga himno.”13 At muli,“Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya.”At muli,“Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”

At sa Hebreo 3:7-11 na kung saan ang manunulat ay sinalita ang mga salita galing sa Awit 95 ay pinasimulan niya ito sa pamamagitan ng pagsasabing “kaya’t gaya ng sinasabi ng Espiritu Santo.”

Kung kaya’t sa lahat ng mga isinulat ng mga propeta mula kay Moises hanggang sa huling aklat ng Lumang Tipan, ang Malakias, hindi ang mga propeta ang nagsalita, kundi ang Diyos. Hindi itinatanggi ng Kasulatan ang kahalagahan ng mga tao na sa pamamagitan nila ang Diyos ay nagsalita. Pero ang binibigyang diin ng Kasulatan ay, ang mga salita na binanggit at itinala ng mga propeta ay salita ng Diyos.

May mahahalagang aplikasyon ito para sa atin ngayon.

Una, kung ang Diyos sa ang nagsalita sa Kasulatan, ang kasulatan ay may otoridad ng Diyos, na dapat natin basahin, at sundin ang Salita ng Diyos. Ito ang pinakamahalagang bagay na dapat na malaman ng bawat isang Krisityano sa ating panahon: na ang Kasulatan ay salita ng Diyos, kung kaya’t ito’y dapat nating kamanghaan at respetuhin dahil ito ay kapahayagan ng Diyos.

Pangalawa, Kung ang Kasulatan ay isinulat ng Diyos. Ito ay nauukol sa lahat ng panahon. Ang Diyos na nagsalita ay ang Diyos na hindi nagbabago. Kung kaya’t ang kanyang salita ay hindi rin nagbabago. Kung kaya’t ang sinasabi ng manunulat ng Hebreo ay ang pamantayan ng pamumuhay  at pananampalataya ng mga Krisityano ay nanatili mula simula hanggang sa wakas dahil si Jesus ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakilanman.

At pangatlo, bagama’t ang Diyos ay nagsalita sa ibat ibang panahon, syt sai iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, dapat nating panghawakan ang pagiging isa ng buoang Kasulatan. Ang Kasulatan ay binubuo ng 66 na aklat na isnulat sa loob ng mahigit isang libo at tatlong daang taon na mahigit apatnapung mga tao. Pero ito pa rin ay iisang aklat na may iisang mensahe: ang kasaysayan ng pagtutubos ng Diyos na nagsimula kila Adan at Eba, at nakasentro kay Cristo Jesus, bilang pagtatapos ng kasaysayan ng pagliligtas. Kung kaya’t bagama’t ang mga sumulat ay mula sa iba-ibang panahon, at natanggap ang salita sa iba-ibang pamaraan, ang kanilang mensahe ay iisa.

Ito ang nagbibigay sa atin ng mahalagang pamaraan kung papaano natin pakakahulugan ang Kasulatan, at ito ay ang Kasulatan ay pinakakahulugan din Kasulatan. Scripture interprets Scripture. Kung kaya’t kapag mayroong parang hindi malinaw na kapahayagan sa isang parte ng Kasulatan, dapat ay pakahulugan natin ito ayon sa mas malinaw na kapahayagan sa ibang parte ng kasulatan.  

Ang mga sinalita ng mga propeta sa Lumang Tipan ay tunay na mga salita ng Diyos, ngunit ang mga ito ay bahagya at naghahanda lamang. Ang mga kautusan, ang mga handog, ang templo at ang kaharian ay pawang nagtuturo sa darating na katuparan. Ang mga ito ay anino o larawan lamang, hindi ang mismong realidad. Ang mga kahapayagang pampananampalataya sa Lumang tipan ay sapat sa panahong iyon, subalit ang mga ito ay hindi pa ganap.

Kagaya ng aking sinabi kanina, mayroon lamang iisang plano ng Diyos sa pagliligtas at ito ay hindi nagbabago, subalit unti-unti itong nahayag hanggang ang ganap nitong katuparan ay dumating, si Cristo Jesus.

Ito ang magdadala sa atin sa pangalawang punto.


ANG DIYOS AY NAGSALITA SA HULING ARAW SA PAMAMAGITAN NG ANAK


Ang paunang mga pananalita sa aklat ng Hebreo ay hindi lamang sinasabi sa atin na ang Diyos ay nagsalita sa unang panahon. Sinasabi rin nito na ang Diyos ay nagsalita sa huling araw sa pamamagitan ng Anak - subalit sa mga huling araw na ito ay nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak, na kanyang itinalagang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan din niya'y ginawa ang mga sanlibutan.

Ang manunulat ng Hebreo ay gumawa ng pag-iiba sa unang dalawang talata ng kanyang aklat. Ang kaibahan ng mga propeta at ng Anak.

Ang pinaka-punto niya ay ang kahigitan o kataasan ng Kristiyanimo sa relihiyon sa Lumang Tipan, ang Judaismo. Ito nga ang dinidiinan ng manunulat sa buong aklat. Kung kaya’t hindi na siya nag-aksaya pa ng oras, kanyang ipinahayag kaagad ang kahigitan ni Jesus sa mga propeta. Hindi ibig sabihin nito na ang relihiyon sa Lumang Tipan ay walang kabuluhan. Hindi po! Dahil kagaya ng aking sinabi kanina, ang lahat ng salita sa Lumang Tipan ay tunay na salita ng Diyos. Ang kanilang relihiyon ay ipinagkaloob ng Diyos. Pero, hindi ito ganap. Ang kaganapan ng kanilang relihiyon ay matatagpuan lamang kay Cristo Jesus. Kung kaya’t ang kanyang pagdating ay hudyat ng kaganapan ng lahat ng pinananampalatayan sa Lumang Tipan.

Dumating na ang kaganapan nang dating relihiyon sa Lumang Tipan, kung kaya’t wala ng rason ang mga sinulutang mananampalataya na bumalik pa sa Judaismo.

Ito iyong halimbawa na lagi kong ginagamit kapag ako ay nagtuturo tungkol sa katuruan sa pagsamba o ang Regulative Principle of Worship: Ang mga kababaihan noong sila ay bata pa ay inalagaan ang kanilang manyika na iniimagine nilang kanilang anak. Ano ang masasabi ninyo, kapag nakita ninyo siyang may asawa at anak na, na ang inalaggang parang anak pa rin niya ay ang kanyang manyika? Alam ko ang sagot. Ninyong lahat ay: siya’y may sira ulo dahil mayroong na siyang tunay na anak, bakit ang gusto pa rin niyang alagaan ay ang manyika na itinuro ang mangyayari sa babae sa hinaharap, na siya’y magiging ina ng tunay na bata.

Sa pagdating ni Jesus, hindi lamang bahagi ng salita ang kanyang dala-dala, kundi ang mga huli o panapos na pananalita.

Ang hindi lamang ang kanagapan ng Kasulatan ang nasa isip ng manunulat. Nasa kanyang isip din ang kahigitan ni Jesus sa lahat ng mga propeta.

Sino nga ba si Jesus?

Pakinggan natin si Juan.

Una, sa pinaka-unang talata ng ebanghelyo ni Juan ay kanyang sinabing - Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.

Sino itong Salitang ito?

Sinagot ito ni Juan - 14 At naging tao[a] ang Salita at tumahang kasama namin, at nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa tanging Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.

Ang ating Panginoong Jesus ang nagpahayag  sa Juan 3:31 - 31 Ang nanggagaling sa itaas ay mataas sa lahat, ang galing sa lupa ay taga-lupa nga, at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa; ang nanggagaling sa langit ay mataas sa lahat.

Kung kaya’t ang nagsalita sa atin sa pamamagitan ng ebanghelyo ay mas mataas kaysa alimang propeta sa Lumang Tipan. Ang Lumang Tipan ay salita ng Diyos na ipihayag sa mga propeta. Pero sa huling araw, ang Diyos na nagmula sa walang-hanggan; ang Diyos nagkatawang tao; ang Panginoon ng mga mga propeta, ang nagsalita sa atin. Kung kaya’t dapat nating  kamanghaan at katakutan ang ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus na ipinahayag ng mga itinalagang mga apostol at kasamahan ng mga apostol na nagtala sa salita at lahat ng ginawa ni Jesus, sapagkat ang nagsasalita sa atin ay sa ebanghelyo ay ang Diyos mismo.

Kung kaya’t ang makinig kay Cristo ay ang mkinig sa Diyos mismo. Walang higit at walang kulang, at wala ng mas malinaw na pahayag pa. Hindi na tayonaghihintay pa ng panibagong salita mula sa langit, at wala tayong kalayaang magdagdag at magbawas sa ipinahayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Anak.

Ang tanong sa atin ngayon ay, sino ang pinakikinggan ninyo? Si Jesus ba o ang mga salita ng mga nasa sanlibutang ito na tinatawag nating mga makabagong kaisipan?


PANGWAKAS


May tatlong mahahalagang salita ang dapat nating isaisip at isapuso sa umagang ito: MAKINIG, MANALIG, AT SUMAMBA.

MAKINIG, sapagkat ang Diyos ay nagsalita sa kanyang Anak.

MANALIG, sapagkat ang gawa at salita ni Cristo ay ganap at sapat.

SUMAMBA, sapagkat Siya ang ningning ng Kaluwalhatian ng Diyos at ang Tagapagligtas ng mga makasalanan.

Huwag tayong lumihis sa Salitang ito. Hawakan natin si Cristo, ang huli at tpat na Phayag ng Diyos.

“Ngayon kung inyong papakinggan ang kanyang tinig, huwag ninyong papagmatigasin ang inyong puso” (Awit 95:7b-8a).


Amen.

 
 
 

Comments


Address

San Carlos City, Philippines, Old Binalatongan Road, Baldog 2420

Contact

Church Schedule

Sunday

9:00am - 12pm

Wednesday

6:00pm - 8:30pm

bottom of page